Bagyong Neneng tumama sa Cagayan, signal no. 3 itinaas na

Bagyong Neneng

Bagyong Neneng (PHOTO: Facebook/Dost_pagasa)

ISA nang ganap na “Severe Tropical Storm” ang bagyong Neneng at tumama na ito sa lupa ng Cagayan kaninang umaga.

Sinabi ‘yan mismo ng PAGASA sa kanilang press briefing ngayong araw, Oct. 16 kaninang 5:00 a.m.

“Nag-landfall kaninang 3:15 in the morning itong si bagyong Neneng dito po sa bayan ng Calayan, Cagayan and as of 4 in the morning ay nasa vicinity pa rin ito ng bayan ng Calayan,” sabi ng ahensya.

Nagbabala din ang PAGASA na posibleng maging “typhoon” ang bagyo ngayong araw habang kumikilos papunta sa karagatan.

Sey ng weather forecaster na si Benison Estareja, “Posible itong lumakas bilang typhoon habang nasa may South China Sea at kikilos Southwestward po sa kalagitnaan ng linggong ito.”

Dagdag pa ni Estareja na lumakas din ang dalang hangin ni “Neneng.”

Aniya, “Mas lumawak pa yung malalakas na hangin associated dito kay Neneng, ‘yung diyametro nito ay umaabot na sa almost 800 kilometers.

“Samantala ‘yung malalakas na hangin ay associated naman doon sa kulay pula na bilog ay nakakaapekto na sa Batanes and Babuyan Islands.”

As of 8 a.m., itinaas na ng weather bureau ang “Tropical wind signal no. 3” o napakalakas na hangin sa southern portion ng Batanes at Babuyan Islands.

Nasa “signal no. 2” o sobrang lakas na hangin ang nalalabing bahagi ng Batanes at Cagayan, Apayao, northern portion ng Abra, at Ilocos Norte.

Mas maraming lugar ang nakalagay sa “signal no. 1” o malakas na hangin, kabilang ang northern at central portions ng Isabela, Kalinga, natitirang bahagi ng Abra, Mountain Province, northern portion ng Ifugao, at northern at central portions ng Ilocos Sur.

Huling namataan si “Neneng” sa Calayan, Cagayan.

Tagalay nito ang hanging 95 kilometers per hour at bugsong aabot sa 115 kilometers per hour.

Kasalukuyan itong kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.

Sinabi rin ng PAGASA na asahan ang mga pag-ulan sa bansa at bukas na raw inaasahang lalabas ng ating teritoryo ang bagyo.

“May mga pag-ulan pa rin po hanggang mamayang hapon at gabi, at pagsapit naman po ng hatinggabi hanggang bukas ng madaling araw ay posibleng nasa labas na ito ng ating Philippine Area of Responsibility,” ayon sa weather forecaster.

Read more:

Bagyong ‘Neneng’ tatama sa Batanes o Babuyan Islands, Signal #3 posibleng itaas sa Luzon

Bagyong Neneng ‘mananalasa’ sa Northern Luzon; 1 pang bagyo sa labas ng bansa binabantayan ng PAGASA

2 patay kay ‘Maymay’; 2 LPA, 1 pang bagyo binabantayan ng PAGASA

Read more...