Friendship nina Toni at Mariel matindi rin ang pinagdaanan: Kaya namin nasabi na ‘Tayo pa rin sa finish line’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Mariel Rodriguez at Toni Gonzaga
INAMIN ni Toni Gonzaga-Soriano na sa pagkakaroon nila ng tampuhan noong 2007 at 2010 ng bestfriend niyang si Mariel Rodriguez-Padilla ay nanindigan ang kapatid niyang si Alex Gonzaga-Morada na isa siya sa “Team Mariel.”
Sa panayam ni Toni kay Mariel para sa kanyang YouTube channel ay inamin ng una na lagi siyang pinaaalalahanan ng kapatid, ng parents niyang sina Daddy Bono at Mommy Pinty Gonzaga na hindi siya iniwan ng BFF niya at lahat ng importanteng okasyon sa buhay niya ay naroon ito.
“Ang first falling out namin ni Mariel was 2007 tapos si Alex, si Alex talaga Team Mariel ‘yan all the way. Naalala mo ‘yung connecting banyo namin (sa dating bahay), so, nandoon ako tapos pumasok siya sa kuwarto.
“Ate, I will always choose Mariel. Lagi niyang sinasabi ‘yan, ‘I will always be ‘Mariel’ no matter what happens. Remember what she told you? She’s your bestfriend, she’s your bestfriend. Naalala mo sinabi niya bestfriend ka niya kaya I want you to treasure that,” kuwento ni Toni.
“Ohhh, that’s so sweet totoo naman talaga,” sambit ni Mariel.
Nabanggit din ni Toni na noong nagkabati sila ni Mariel ay si Alex daw ang pinakamasayang-masaya, “Sabi ko sa ‘yo, e, kayo pa rin talaga!” sabi raw ni Alex sa at Toni niya.
Dagdag pa, “Tapos nag-falling-out nu’ng 2010, dalawa ‘yung falling-out namin ni Mariel, ‘yung 2007 private, ‘yung 2010 alam ng lahat.”
“Ha-hahaha! ‘Yung nagho-hosting kayo pero may falling-out na pala kayo, di ba? Kami lang may alam no’n na may something pala pero tuloy ang programa, tuloy ang live shows. Pero ‘yung 2010 ‘yun ‘yung alam nila (ng publiko),” pag-alala ni Mariel.
“Ang naalala ko naman do’n kaya we reconcile and it’s sweeter the second time around it’s because of my parents.
“Alam mo sinabi ng mommy at daddy ko? ‘Tandaan mo, si Mariel ni isang event sa buhay mo hindi nawala.’
“Uma-attend siya ng premiere night, lahat ng concerts mo bumibili siya ng tickets, sa Music Museum inililibre pa niya ang mga yaya niya. ‘Yung mga yaya niya hindi ko alam kung fan ko, mga apat sila magkakatabi sila ni Mariel nanonood sila.
“Sabi ko, maliit na venue, malaking venue. Tapos ‘yung premiere night ang hindi ko makakalimutan kasi sinabi ni Alex, ‘Naalala mo ‘yung premiere night? Di ba magho-holding hands ka pa doon sa loveteam mo tinawagan ka ni Mariel, ‘Toni, may girlfriend na siya.’”
Habang nagkukuwento si Toni ay panay naman ang pahid ng luha ni Mariel dahil sa mga pinagdaanan nila ng kanyang BFF.
At tungkol sa ka-loveteam na ibinuking ni Mariel, “Kasi nalaman ko na nag-aano-ano siya sa iba.”
“Siya ‘yung unang nagsabi na (merong GF na), sabi ko, ‘Ma (tawag kay Mariel) may premiere night ako. ‘No, Toni meron na siya talaga. Hindi matutuloy ang under the table na landian ninyong nagaganap kasi meron na ‘yan. Protektahan mo ang sarili mo.’
“So my mom, my dad, si Alex was always for you. Lagi nilang sinasabi na if there’s one friend na who’s always been there for you, si Mariel ‘yun,” kuwento ni Toni.
Dagdag pa niya, “Kaya ‘yung sinabi mong tayo pa rin sa finish line na hindi nila (bashers) na-gets.
“Hindi nila naintindihan, akala nila tungkol sa kung anu-ano, iba ‘yung friendship namin, helloooo! Ang daming pinagdaanan ng friendship talaga na I feel kinailangan nating pagdaanan kaya mas malalim ‘yung ngayon,” emosyonal pang pahayag ni Mariel.