Guess, guess who! Ma-gets n’yo kaya kung sino siya?
NAIKUMPARA ng mga taga-production ang sikat na aktres sa dalawang sikat na artistang laman ng blind item nina Nanay Cristy Fermin, Romel Chika at Morly Alinio sa kanilang YouTube channel na “Showbiz Now Na”.
Ayon sa isang taga-production, “Ang dali niyang (sikat na aktres) ka-work, walang angal, walang kibo, kung ano ang kinakainan ng lahat ‘yun din ang kinakainan niya at hindi siya nagre-request ng ibang plato. Iisa kasi ang itsura ng mga platong ginagamit ng mga artista at prod na gamit ng catering, e, gusto nila (dalawang artista), naiiba sila.”
Kamakailan kasi ay na-blind item sa “Showbiz Now Na” may dalawang sikat na artista na super arte raw dahil ayaw kumain sa platong kapareho ng ginagamit ng lahat.
Pero nitong Huwebes ay ibinuking na ni ‘Nay Cristy kung sino ang dalawang artistang ito, sina Kim Chiu at Xian Lim daw.
Aniya, “Bumili muna sila ng mga pinggang sarili para hindi sila nagagalit na kapag ang pinggang kinakainan nila ay kamukha ng pinggan ng produksyon!”
Naloka si Romel, “Ay blind item natin. Ha-hahaha! Naku ‘yan ang sinasabi ko dapat talaga tutok talaga kayo para alam n’yo.”
Tumatawang sabi ni ‘Nay Cristy, “Ganito po ang istilo sa SNN, blind item after one episode, papangalanan na po malalaman n’yo na.”
Tawa naman nang tawa sina Romel at Morly sa pambubuking ni ‘Nay Cristy tungkol sa tambalang KimXi.
Going back sa sikat na aktres, “Itong si _____ (sikat na aktres) lumabas na kontrabida noon sa serye nila ni _____ (isa ring sikat na aktres) at kung anu-anong nasusulat na hindi magandang ugali, ‘yun pala kabaligtaran. Kasi ilang beses ko na siyang naka-work sa serye, same pa rin ang ugali ‘til now. Hindi ko alam bakit siya sinisiraan.”
Dati rin kaming napaniwala ng mga nagkukuwentong hindi maganda ang ugali ng aktres kasi naman noong mga panahong iyon ay hindi pa namin siya nakakakuwentuhan nang matagal.
Pero noong nagkaroon kami ng set visit sa serye niya at hindi pa niya kami kilala noon kaya malaya kaming nagmamasid sa kanya at pansin naming mabait naman, tahimik at magalang sa lahat. Nakikinig sa sinasabi ng direktor at walang angal. Kapag naka-break ay natutulog lang o kaya nagse-cellphone.
Hanggang sa nasundan pa ng ilang beses ang set visit namin sa projects niya at doon na niya kami nakilala na kapag tinatanong namin siya ng mga tungkol sa isyung iniuugnay sa kanya ay ngumingiti lang siya at sabay hawak sa braso namin na alam na namin ang ibig sabihin, ‘wag na kaming mangulit.
Mula noon hanggang ngayon ay hindi pa rin pala nagbago ang ugali ng sikat na aktres na ito ayon mismo sa mga bagong nakakatrabaho niya, pangiti-ngiti lang at kung kailangan niyang magsalita ay saka lang siya magbibigay ng saloobin niya.
At sa pagkain nga ay walang angal bagay na hinangaan ng taga-prod kasi nga sumasabay siya sa lahat, cowboy ika nga.
Bukas ang BANDERA kung nais magpaliwanag nina Kim at Xian tungkol sa blind item nina Nay Cristy.
* * *
Nakasungkit ang TV5 sa Asian Academy Awards dahil nakamit ng Sing Galing ang “two-peat” para sa Original Videoke-Kantawanan ng Bansa sa prestihiyosong Asian Academy Creative Awards 2022.
Nanalo ang “Sing Galing” ng not 1, not 2, but 3 awards sa mula sa international award-giving body.
Tatlong kategorya ang napanalunan ng Sing Galing — ang Best Non-Scripted Entertainment program para sa “Sing Galing,” Best Children’s Programme para sa “Sing Galing Kids,” at hindi lamang ang show mismo ang nanalo kundi pati rin ang boses sa likod ng promos at ng programa na si Show Suzuki ay nagwagi bilang Best Voice Artist.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nanalo ang “Sing Galing” sa Asian Academy Creative Awards dahil napanalunan rin nila ang Best in Non-Scripted Entertainment award last year. Ipinagmamalaki ng TV5 ang programang ito lalo na’t ito rin ang nagbibigay-saya sa mga viewers at home.
Hindi pa nagtatapos dito ang pagwawagi ng show dahil makikipagkumpetensya pa rin ito sa Singapore para sa Grand Final winners sa Disyembre.
Napapanood ang “Sing Galing” tuwing Lunes, Martes at Huwebes, 6:30 p.m. at ang kiddie edition naman nitong Sing Galing Kids tuwing Sabado ng 6PM sa TV5.