MANILA, Philippines—Binuksan ng LoveYourself ang bago nitong community hub sa Pasay City kasabay ng pagdiriwang sa kaarawan ng matagal na nitong advocate at supporter na si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach.
Bago pa man niya nasungkit ang pandaigdigang titulo, aktibo na ang beauty queen, actress, at model sa pagsusulong sa mga gawain ng pangkat kaungay ng HIV-AIDS education, prevention, at treatment sa buong bansa. Sinalubong siya ng isang piging at pinaulanan ng mga pagbati nang dumating siya sa bagong LoveYourself Uni sa ikalawang palapag ng Centro Buendia Bldg. sa Gil Puyat Ave. sa Pasay City noong Set. 21, tatlong araw bago ang mismong kaarawan niya.
Pinangunahan ni Wurtzbach ang ribbon-cutting ng Uni, at sinamahan siya ng mga kinatawan mula sa USAID (United States Agency for International Development) at mga kasapi ng LoveYourself. Bukas ang Uni mula Biyernes hanggang Martes, mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-7 ng gabi, para sa libreng HIV testing, counselling, at HIV-AIDS medication.
Bilang hudyat ng pagbubukas ng nilipatan nitong lugar, at upang ipagdiwang ang kaarawan ng pinakamahalaga nitong celebrity advocate, naglatag ang LoveYourself ng iba’t ibang putahe, na may isang buong lechon pang kasama. Nakatanggap din si Wurtzbach ng maraming birthday cake na ibinahagi niya sa mga boluntir at bisita.
“Birthday ko sa Sabado, at ni-request ko na makasama kayo, at makapag-celebrate ako with my LoveYourself family. Maraming salamat na na-share ko ang blessings ko with you. Para na kayong pamilya sa akin. And this is a really refreshing way to celebrate my birthday also,” sinabi ni Wurtzbach.
Naging “productive” din umano ang araw para sa kanya, sapagkat nagpunta rin siya sa National Center for Mental Health at sa San Lazaro Hospital sa Maynila bago tumulak sa Uni, na sinabi niyang “reflects the spirit of LoveYourself.”
Pagpapatuloy pa ni Wurtzbach: “It’s the heart and soul, ang volunteers talaga, kaya bagay na bagay talaga na ginawang sobrang colorful at sobrang ganda. And really reflects the spirit of the LGBTQ (lesbian, gay bisexual, transgender, and queer) community, so maraming salamat.”
Tinukoy din niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng ugnayan sa mga nakasalamuha niya bago pa siya naging Miss Universe, kabilang ang mga kawani ng midya na sumubaybay sa kanya sa Binibining Pilipinas pa lang (tatlong ulit siyang sumali sa pageant bago nasungkit ang korona), upang maipagpatuloy ang HIV-AIDS advocacy.
“As ambassadors, people of influence, we have to share ourselves, to show up with the communities that we rallied behind. And by doing so, we have to show that we care by immersing ourselves, in being there for them, especially in the most difficult times,” sinabi ni Wurtzbach.
Binunyag ng LoveYourself na tumutulong na si Wurtzbach mula pa noong ilang taon pa lang na nagsisimula ang pangkat, naglalaan ng oras at kakayahan niya para sa iba’t ibang programa. At ngayong nagpapalipat-lipat ng bansa ang beauty queen dahil sa trabaho, bihira na siya sa Pilipinas. Ngunit tuwing umuuwi siya, nakikipag-ugnayan umano siya sa pangkat upang magtrabaho.
Sinabi ng organisasyong maglalaan si Wurtzbach ng ilang araw kasama ang LoveYourself upang lumikha ng mga materyal na nakaiskedyul sa buong taon.
“By caring, we mean sharing ourselves, our time, our resources, our energy to help thrust forward our shared advocacy, and to be able to bridge promotions to programs and policies for the community,” aniya.
Nanawagan din si Wurtzbach para sa pondo sa LoveYourself, at naghayag ng pasasalamat sa mga tumutulong na at sumusuporta sa organisasyon.
Related Chika:
Pia Wurtzbach nagpakabaliw dahil sa lalaki, kinalimutan ang pamilya at career
Hugot ni Pia Wurtzbach sa 2022: Time is non-refundable, we need to use it wisely!
Pia Wurtzbach muling nagbilad ng kaseksihan sa Greece, pinaapoy ang socmed: ‘Grabe naman!!!’