Turista sa Bohol naloka nang makita ang bill matapos kumain sa Virgin Island
NAWINDANG ang isang turista sa natanggap nilang bill matapos nilang magpaluto ng kanilang tanghalian sa Virgin Island, Bohol.
Ayon sa sa post ng isang netizen na nagngangalang si Vilma Uy, umabot ng P26,000 ang binayaran nila matapos mag-order ng mga seafoods at ipaluto ito sa mga nagtitinda sa lugar.
Isa ang Virgin Island sa mga isla na madalas bisitahin ng mga turista na nagnanais mag-island hopping sa Bohol dahil sa linaw ng tubig nito at kulay puting mga buhangin.
“Ingon ani na diay kamahal ang pagkaon sa Virgin Island, Bohol? (Ganito ba kamahal ang pagkain sa Virgin Island, Bohol?)” saad ni Vilma sa kanyang post.
Kinunan rin ng turista ng larawan ang ulat kamay na resibo ng kanilang mga in-order kung saan ang kadalasang presyo ay naglalaro mula P900 hanggang P3,000.
Sinubukang umalma ng kampo nila Vilma sa nakakalulang presyo ng kanilang mga kinain ngunit nagdesisyon rin ang mga ito na bayaran na lamang ang lahat.
Nagkulang pa nga ang cash na dala ng mga turista na P19,000 kaya naman binayaran na lang nila ang natitira pang balanseng P7,000 sa pamamagitan ng GCash.
Agad namang naalarma ang lokal na pamahalaan ng Panglao sa taas ng binayaran nila Vilma at ng mga kasama nito.
Ayon kay Panglao Tourism Officer Leonides Senica, nag-set na sila ng pagpupulong kasama ang mga nagtitinda sa Virgin Island para linawin ang isyu.
Personal rin daw na bibisita si Mayor Edgardo “Boy” Arcay ng Panglao, Bohol para siya mismo ang mag-imbestiga ukol sa kumakalat na balita ng mga overpriced food sa naturang isla.
“It could be a black propaganda to harm our administration. It could also be true. That’s why I want to know what is true,” saad ni Mayor Arcay sa isang panayam nitong gabi ng Lunes, Agosto 1.
Other Stories:
Andi tumatangging magpalitrato sa mga turista sa Siargao: Tao lang din kami…
Richard Yap umabot sa P500k ang hospital bill dahil sa COVID; ilang beses binangungot sa kwarto
Rabiya Mateo, Jeric Gonzales magdyowa na, sweet na sweet sa Bohol
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.