Daniel, Kathryn gaya-gaya lang daw kina Maya at Sir Chief sa Got To Believe
NAGKATAON lang kaya o peg talaga ng seryeng Got To Believe nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang istorya ng Be Careful With My Heart?
Nakatanggap kami ng mensahe mula sa mga loyalistang supporters ng KathNiel, “Ginagaya po ba ni DJ (Daniel) si Ser Chief (Richard Yap) sa Be Careful? Kasi po, sungit-sungitan din ang role niya sa Got To Believe.”
Napaisip kaming bigla at binalikan ang ilang episodes na napanood naming at may pagkakahawig nga naman pala, di ba bossing Ervin. Yaya rin ang kasi papel ni Kathryn sa Got To Believe na siya ring ginagampanang papel ni Jodi Sta. Maria sa Be Careful With My Heart.
Sinagot namin ang nagtanong na baka nagkataon lang kasi mas type ng fans na masungit si Daniel at si Kath naman ‘yung nagpapapansin, parang ganito rin kasi ang takbo ng istorya ng pelikula ng dalawa na Must Be Love, tama ba?
Samantala, habang nanonood kami ng Got To Believe ay parang naalala namin ang kapanahunan nina Rico Yan at Judy Ann Santos, parang ganito rin kasi ang role nila sa pelikulang “Kay Tagal Kang Hinintay” na idinirek ni Rory Quintos taong 2002, masungit din ang role ng namayapang aktor, pero sa huli ay magkakagusto kay Budaday.
Ang magiging pagkakaiba lang nito tiyak ay hindi magiging mag-asawa sina Joaquin at Chichay sa kanilang teleserye dahil masyado pa silang mga bata.
Base naman sa kuwento ng direktor nitong si direk Cathy Garcia-Molina, natutuwa at pinupuri niya si Kathryn dahil parating maaga kung dumating sa set at handa na sa mga gagawin samantalang si Daniel naman ay halatang pagod dahil galing pa ng shooting ng “Pagpag” na entry ng Starlight Films sa MMFF 2013.
“Understandable naman si Daniel, masipag na bata at minsan lang siyang na-late, pero hindi naman super late kasi galing nga sa shooting,” say ng box-office director.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.