Bakit di sinuportahan ng INC si Erap | Bandera

Bakit di sinuportahan ng INC si Erap

- May 17, 2010 - 02:21 PM

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

MUKHANG mahirap paniwalaan ang pangako ni Sen. Noynoy Aquino na walang makikialam na kamag-anak sa kanyang administrasyon.
Sa report na isinulat ng batikang reporter na si Fe Zamora kahapon sa INQUIRER, sister publication ng Bandera, napag-alaman na may hidwaan ang “Kamag-anak Inc.” at ang “Hyatt 10” sa kampanya ni Noynoy.
Sinabi ng report na inilunsad ng Kamag-anak Inc. ang pagpanalo ng tandem nina Noynoy at Makati Mayor Jejomar Binay sa halip na tandem nina Noynoy at Mar Roxas.
Hindi raw maganda para sa mga miyembro ng Kamag-anak Inc. kapag nanalo si Mar Roxas bilang bise presidente, kaya’t ikinampanya nila si Binay.
Ang Kamag-anak Inc., na namayagpag noong panahon ni President Cory, ay naging notorious dahil sa mga ulat na involved sila sa mga corrupt activities. Sila ang sumira sa pangalan ni Tita Cory.
Ang Hyatt 10 naman ay binubuo ng mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Gloria na nag-resign sa kanilang mga tungkulin dahil sa Hello Garci scandal. Hiniling nila na mag-resign din si Gloria.
* * *
Anong ibig sabihin ng exclusive report ni Fe Zamora?
Na babalik na ang Kamag-anak Inc. sa administrasyon ni Noynoy.
Ito ang sisira sa kanyang administrasyon, gaya ng pagsira nito sa administrasyon ng kanyang ina.
Malinis at tapat sa tungkulin si Pangulong Cory pero wala siyang alam sa pinaggagawang katarantaduhan ng kanyang malalapit na mga kamag-anak.
Kaya nga noong kanyang panahon, ang tawag kay Tita Cory ay “TWA” na ang ibig sabihin ay “Talagang Walang Alam.”
In fairness, sa parte lang ng mga Cojuangco ang umabuso raw noong administrasyon ni Cory, at hindi nakialam ang mga kamag-anak ng kanyang martir na asawa na si Ninoy.
* * *
Anyway, marami namang mga mamamahayag na magbabantay sa administrasyon ni Noynoy Aquino.
Inaasahan ng mga journalists na tutuparin niya ang kanyang pangako na hindi pahihintulutan na makikialam ang kanyang mga kamag-anak.
Huwag sana siyang tumulad kay Erap na left and right ang batikos na natanggap dahil di niya tinupad ang kanyang pangako na walang kamag-anak o kaibigan ang makikialam sa kanyang administrasyon.
Wala raw “kama-kamag-anak at kai-kaibigan” sa kanyang administrayon, sabi ni Erap sa kanyang inaugural speech.
Anong nangyari? Ang mga masisibang kamag-anak at kaibigan ni Erap  ang naghari-harian sa kanyang administrasyon. Sila ang naging sanhi ng kanyang pagkakasipa bilang pangulo.
Kapag di tinupad ni Noynoy ang kanyang pangako, baka mapadali rin ang kanyang termino gaya ni Erap.
* * *
Hindi maganda ang pangitain sa darating na administrasyon ni Noynoy kung ang pagbabasehan natin ay report ni Fe Zamora.
Ang ibig sabihin ay magkakagulo sa loob ng Noynoy administration, magkakaroon ng faction. Each faction might try to dominate the others.
Siyempre, ano pa ang pag-aawayan ng mga factions kundi…PERA.
* * *
Hindi marunong tumanggap ng pagkatalo si Erap.
Ayaw siyang mag-concede kay Noynoy kaya’t hanggang ngayon ay binibilang pa rin ang mga boto para pagka-Pangulo.
Pero kahit sa kanyang balwarte ng San Juan, talo si Erap.
Bakit? Dahil hindi siya sinuportahan ng Iglesia ni Cristo.
Malaki ang populasyon ng INC sa San Juan dahil dito ang kanilang dating headquarters. Ang headquarters ng INC inilipat sa Quezon City.
May 6 milyon miyembro ang INC na mga botante.
Kung sinuportahan si Erap ng INC at hindi si Noynoy, baka si Noynoy ngayon ang umaangal at hindi si Erap.
* * *
Bakit di sinuportahan si Erap ng INC?
Isang INC insider ang nakapagsabi sa akin na ayaw ng kanilang simbahan sa ex-convict.
Hindi rin sinuportahan ng INC si Manny Villar dahil natatakot ito na baka bawiin ni Villar ang kanyang nagastos na P10 billion kapag siya’y naging pangulo.
Hindi rin sinuportahan si Gibo Teodoro dahil kay Gloria.

Bandera, Philippine News, 051710

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending