Promise ni Robin: Kung gaano po ako kaingay noong ako’y artista lang, mas marami po tayong masasabi ngayon
NANININDIGAN ang action star na si Robin Padilla na hindi ang kanyang popularidad at kasikatan ang dahilan kung bakit ibinoto siya ng mga Filipino kundi ang kanyang plataporma.
Nananatili pa ring number one hanggang ngayon sa ginaganap na bilangan matapos ang May 9 elections si Binoe sa senatorial race.
Muling ipinagdiinan ni Binoe na na-shock din siya nang una niyang malaman na nangunguna siya sa canvassing of votes sa mga kumakandidatong senador ngayong taon.
“Wala po, kahit sa magandang panaginip, hindi ko naramdaman o naisip na ako ay mangunguna na karera na ito, sa pagiging senador. Una, wala naman po akong makinarya, wala naman po akong pera, wala po ako lahat,” pahayag ni Binoe sa panayam ng ABS-CBN.
Aniya, malaking tulong sa pagkapanalo niya ang suporta ng kanyang pamilya lalo na ng asawang si Mariel Padilla. Nagpasalamat din siya kina President Rodrigo Duterte at Sen. Bong Go pati na kay Sara Duterte na nangunguna naman sa vice presidential race. Sumuporta rin sa kanya ang nga Muslim group at Iglesia ni Cristo.
View this post on Instagram
“Kabigla-bigla rin po ito. Pero hindi ko naman din iniisip na ako po ang ibinito ng tao dito. Alam ko po, nararamdaman ko po na ang ibinoto ng mga tao dito ay iyon pong aking plataporma na charter change.
“Palitan po natin ang Saligang Batas, isulong po ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga lalawigan, at iyon po ang pederalismo.
“Naniniwala po ako na iyon ang niyakap ng ating taumbayan, kaya po ako siguro nangunguna sa labanan na ito. Wala po akong maisip na puwedeng maging dahilan para ako po ang manguna, kundi iyon lamang pong plataporma ko.
“Hindi naman po ako naniniwala na nanalo ako dahil ako’y si Robin Padilla. Hindi po ‘yan. Huwag po nating paniwalaan ‘yan. Ang paniwalaan natin ay ako po ay nakasama diyan, maging number 1 o number 2 o maging number 3, para isulong ang pederalismo. Iyan po ang asahan ninyo.
“Hindi po ako diyan magiging bingi, hindi po ako diyan magiging pipi. Kung gaano po ako kaingay noong ako’y artista lang, noong wala pong nakikinig sa akin, ito pong lalo na na nagkaroon tayo ng plataporma, nagkaroon po tayo ng sinasabi nating pagtitiwala po ninyo at ako’y iniluklok ninyo, mas marami po tayong masasabi,” sabi pa ni Binoe.
Nang tanungin kung ano ang unang gagawin niya kapag nakaupo na siya sa Senado, “Kailangan na po nating ipatupad ang pagbabago ng Saligang Batas. Kung ano po ay mananatili diyan sa number 1 at kung ako ay mapoproklama, siguro naman po ay panggising na ito sa mga mambabatas natin, dahil sino ba naman po ako?
“Ang minahal po ng mga tao ay ‘yung plataporma ko na baguhin na natin ang Saligang Batas at wala nang iba.
“Ngayon, ang taumbayan na ang nagsalita. Malinaw na malinaw po dito, dahil ako po’y walang kahit ano. Wala po akong network. Wala akong pera.
“Wala akong kahit ano. Pero kung ako ay mananatili sa pagiging number 1, isa lang po ang ibig sabihin niyan, gumising na ang mataas na kapulungan at ang ating mababang kapulungan,” lahad ng aktor.
https://bandera.inquirer.net/302774/banat-ni-robin-sa-nagsabing-pang-grade-6-ang-plataporma-sa-2022-puro-kwento-wala-namang-kwenta
https://bandera.inquirer.net/298928/robin-inalala-ang-buhay-preso-sa-vlog-ni-kylie-yun-yung-best-days-namin-ng-mama-mo-yung-nakakulong-ako
https://bandera.inquirer.net/304682/robin-sawang-sawa-na-sa-kakaendorso-ng-politiko-kaya-tumakbo-nawalan-ng-trabaho-dahil-kay-duterte
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.