SAN PEDRO, LAGUNA—Maliban sa kanyang pamilya, madalas ding dalawin ang umano’y utak sa P10 bilyon pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna, ng dalawang pari, iniulat ng Philippine National Police kamakalawa.
Sinabi pa sa ulat na patuloy ang pagdagsa ng dalaw kay Napoles, isa sa 37 katao na kinasuhan ng plunder kaugnay sa anomalya, kabilang ang mister niyang si Jimmy, ilang kamag-anak at mga abogado.
Kasama ring dumadalaw sa kanya ang mga paring Katoliko na sina Jay Philip Hernandez Ramos at Frederick Alintar, ani PNP spokesperson, Senior Supt. Reuben Theodore Sindac.
Lumang balita na?
Halos araw-araw si-mula nang nailipat si Napoles sa Special Action Force training camp sa Sta. Rosa City noong Set. 1, ay ibinabalita ng PNP ang kalagayan ni Napoles, mga bisita at pagkain na inihahanda sa kanya.
Tumigil lang ito noong Set. 10.”Sayang lang sa load. Nobody seemed interested anyway as everyone’s attention appeared focused now on Zamboanga,” ani Sindac, nang tanungin kung bakit itinigil na ang public updates kay Napoles.
Pero klinaro niya na patuloy pa rin ang pagmomonitor ng PNP sa kalagayan ni Napoles sa pamamagitan ng anim na closed-circuit television cameras na nakalagay sa loob at labas ng bungalowkung saan siya nakakulong, Subalit ang video, ani Sindac ay “not for public consumption.”
Walang palya
Noong Miyerkules ay bumisita ang dalawang pari kasama ang pinsan ni Napoles na si Aiza Macapatag. Bumisita rin sila noong Martes at noong Set. 9 at 10, ayon sa ulat.
Hindi naman nagbigay ng dagdag na impormasyon si Sindac sa dalawang pari, pero sa isang post nito sa kanyang Facebook account, sinabi ng PNP na taga-Antipolo si Ramos.
“They’re doing what priests normally do. Maybe counseling or praying for her. I really wouldn’t know because I wasn’t there,” paliwanag ni Sindac.
Kilala ang pamilya Napoles na malapit sa ilang miyembro ng Simbahang Katoliko na, ayon sa mga whistleblower, ay nakatanggap ng pera at regalo mula kay Napoles.
Samantala, sinabi ni Sindac na kasado na ang seguridad ni Napoles sakaling mabasahan ito ng sakdal sa kasong illegal detention na isinampa sa kanya ng whistle-blower na si Benhur Luy sa Lunes.
Handa umano ang kapulisan, dagdag ni Sindac, na bigyan ng seguridad si Napoles kung iutos ang kanyang pagdalo ng Makati Regional Trial Court.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.