Vice Ganda balik-MMFF ngayong 2022; Sarah type gumawa ng musical movie
IKINAKASA na ng Viva Entertainment ang magiging entry nila sa Metro Manila Film Festival 2022 na pagbibidahan ng Phenomenal Box-Office Queen na si Vice Ganda.
Ito ang masayang ibinalita ni Vincent del Rosario, ang president at COO ng Viva Films kahapon, April 26, sa bonggang launch ng “Summer to the Max” campaign ng kanilang streaming app na Vivamax.
Dito rin ibinandera ng Viva ang poster ng mga bagong pelikula na mapapanood sa Vivamax at dinaluhan ng mga artistang bibida sa kanilang upcoming projects this year.
In fairness, kahit may pandemya, mabilis na nag-number one ang Vivamax bilang nangungunang Filipino streaming platform sa bansa na meron na ngayong 3 million subscribers.
Sa “Summer to the Max” launch, excited ngang umarap sa members ng entertainment press si Vincent del Rosario kung saan inisa-isa nga niya ang ilang major projects na inihanda nila para sa kanilang mga subscribers.
Kabilang na nga riyan ang mga comeback movie ng mga reyna ng Viva na sina Anne Curtis, Sarah Geronimo at Vice Ganda. Siniguro ni Vincent na matutuwa ang mga tagasuporta ng tatlo nilang big stars.
View this post on Instagram
“Si Anne, hinihintay lang yung script. In essence, okay naman siya. Gusto lang niya mabasa ang script so that can happen in the next quarter, in the next few months.
“Si Sarah, nag-line up sina Val (del Rosario) ng mga ipi-pitch na concept sa kanya. Medyo mas mahirap lang kasi very selective si Sarah sa gusto niya.
“Meron siyang concept na gusto. Kailangan lang i-fine tune para pumasok sa gusto niya. Basically, ang gusto niya, gumawa ng musical movie so we have to find the right theme.
“Si Vice naman, inaayos na. Nag-uusap na sila ni Boss Vic for her next project. Hopefully for the festival and there after, for the platform,” sabi pa ng Viva executive.
Kung matatandaan, inamin ni Vice na talagang excited na siyang gumawa uli ng pelikula pero takot na takot siyang lumabas noong kasagsagan ng pandemya.
“Kung maayos lang ang sitwasyon nakagawa na dapat tayo, di ba? Gigil na gigil na rin kami nina Boss Vic (del Rosario ng Viva) na gumawa ng pelikula. Kahit na ang Star Cinema gigil na gigil na kami.
“May mga naplano na kami. Nakailang creative meetings na kami, ang dami ng nabuo pero dahil sa ganitong sitwasyon paano kami makakapagsyuting.
“Ayoko naman ng shooting na lock-in na one week tapos tapos na yung pelikula. Di ba, nakakapitu-pito, sabi ko, ‘No, ayoko ng mga ganyan!’ Kahit sila din naman, hindi naman papayag ang Star at ang Viva na ganung klaseng project lang. Kailangan unkabogable, di ba, hindi puwedeng puchu-puchu,” paliwanag ni Vice.
“Hindi talaga ako lumalabas. Hindi talaga ako lumalabas kasi takot na takot ako. Hindi talaga ako lumalabas at all. Yung Showtime ang ang inilalabas ko,” aniya pa.
https://bandera.inquirer.net/100420/sarah-sa-kathniel-mabait-sila-sa-akin-wala-silang-yabang
https://bandera.inquirer.net/291113/nadine-bumalik-na-sa-viva-pumayag-nang-gumawa-uli-ng-pelikula
https://bandera.inquirer.net/292006/sharon-atat-na-atat-nang-gumawa-ng-mas-maraming-pelikula-kahit-ako-na-ang-mag-produce
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.