USAP-USAPAN ngayon ang Kapamilya comedian si Eric Nicolas patungkol sa kanyang Facebook post kahapon, March 29.
Tila inamin kasi ng komedyante na isang “trabaho” ang pagiging parte niya sa UniTeam sortie ng tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte-Carpio.
“Walang masamang tinapay para sa akin… Trabaho po para mapakain ang pamilya ko. Minsan lang to at hindi na ako bumabata. Mabuhay ang lahat,” saad ni Eric sa kanyang FB post.
Sa iba pang mga post ng komedyante ay makikitang pino-promote niya ang UniTeam sortie na magaganap Davao de Oro, Davao del Sur kung saan kasama sa mga magpe-perform sina Andrew E, Bianca Manalo, at Aegis.
Maski nga sa comment section ay sinagot ni Eric ang isang netizen at sinabing mahigpit ang kanyang pangangailangan.
“Tama po kayo mahigpit ang pangangailangan ko. Kahit si Hudas iboboto ko mabuhay lang ang pamilya ko,” reply ng komedyante.
Nag-react naman si Ogie sa FB post ni Eric at pinuri ito sa pagiging totoo nito.
“It’s okay, Eric. I personally understand that. Wa(lang) echos. And I love you for being true and honest,” sey ni Ogie.
Dagdag pa niya, “Nag-aalala lang ako kay Elizabeth Oropesa. Sana wag na niyang ituloy ang pagpapaputol ng paa niya.”
Matatandaang sinabi ni Oropesa na handa siyang magpaputol ng dalawa niyang paa kapag napatunayan na may binabayaran sa mga artistang nagpapakita ng suporta kina Bongbong Marcos at sa buong UniTeam.
“Ipapuputol ko ‘yung dalawa kong paa. Gagapang na lang ako kung binabayaran kaming mga artista kay BBM!” sey ni Oropesa.
“Natutuwa ako para dun sa mga artistang kinukuha nila (kakampinks) kasi sigurado ako na may TF (talent fee) ‘yan. E sa atin (UniTeam) walang TF. Kusa at dumadating talaga ang mga artista kahit hindi sila imbitahan, sila pa ang nagtatanong kung paano sumama,” dagdag niya.
Ngunit ang pagsasabi ni Eric na “trabaho” ang pagdalo sa mga rally ang tila resibo ng mga netizens na may bayad ang mga artistang nagpupunta sa UniTeam sortie.
Sa ngayon ay burado na ang Facebook post at reply ng komedyante sa comment section.
Related Chika:
Elizabeth Oropesa handang ipaputol ang dalawang paa, nanindigang hindi bayaran ang mga sumusuporta kay Bongbong
Andrew E sa mga um-attend ng UniTeam rally sa Cavite: Totoo ang tao dito, walang photoshop!