Ana Jalandoni inaatake ng matinding trauma matapos mabugbog, nag-sorry sa pamilya

Ana Jalandoni inaatake ng matinding trauma matapos mabugbog, nag-sorry sa pamilya

NAGDESISYON ang sexy star na si Ana Jalandoni na tanggalin na muna ang mga litrato niya sa Instagram nang makita ang bugbog-sarado niyang mukha matapos umanong bugbugin ni Kit Thompson.

Burado na ang halos lahat ng photos ni Ana sa IG, apat na lang ang naka-post sa account niya kabilang na rito ang isa niyang selfie na kuha bago ang nangyari sa pagitan nila ng kanyang boyfriend.

Sa pagharap ng dalaga sa media kamakalawa ng hapon, napakasakit ng kanyang pag-iyak kasabay ng pag-amin na matinding trauma ang naranasan niya nu’ng gabing saktan at pagbantaan ni Kit ang buhay niya noong gabi ng March 17.

Hanggang ngayon daw ay sariwa pa rin sa isip niya ang mga nangyari. “Doon nga po ako hirap. Doon po ako nahihirapan, anxiety, lahat-lahat na. Natatakot ako sa ospital, hindi ako natutulog. Nahihirapan po ako, hanggang ngayon traumang-trauma po ako,” ang humahagulgol na pahayag ni Ana.

Sabi naman ng legal counsel niyang si Atty. Faye Singson, “The following days after the incident, tumatawag po siya sa akin.

“Siyempre, ang una kong tatanungin, ‘Kumusta ka na? Nakatulog ka ba?’ ‘Yun mismo ang sasabihin niya, she will breakdown and cry, ‘Attorney, hindi ako nakatulog. Nanaginip ako, every detail [is] relived in my head. Bangungot, nightmare, akala ko totoo ulit. Kung nakatulog man ako, yun ang nasa isip ko,'” sabi ng abogado.

Kasabay ng nararamdamang takot, inatake rin ng grabeng depresyon si Ana, “Na-depress po ako. Parang kapag nakikita ko yung mukha ko, tapos nakikita ko yung pictures ko (sa Instagram), parang hindi ako natutuwa, so tinanggal ko po lahat. Hindi ko na po nakikita kung ano yung hitsura ko. Parang hindi na ako yun.”

Sa tanong kung ano ang ipinagdarasal niya matapos mabugbog, “Pinagpe-pray ko po, siyempre, nagpapasalamat po ako na ligtas po ako. At saka po, bigyan niya ako ng lakas ng loob para lumaban. Sana maging maayos ang lahat.

“Kasi, alam ko po na kailangan ko pong magsalita. Although, mahirap nga po, kinakaya ko po. Yung lakas na pinaghuhugutan ko, sa taas po talaga at, siyempre po, sa pamilya ko at mga nagmamahal sa akin,” aniya pa.

Samantala, umiiyak ding nagbigay ng mensahe ang dalaga sa kanyang pamilya dahil sa nangyari. Kasama ni Ana sa presscon ang kanyang amang si Lawrence Jalandoni at kapatid na si Marie Jalandoni.

“Sa daddy ko, sa kapatid ko, sorry. Nasaktan ko kayo sa pag-aalala sa akin. Gagawin ko po yung tama. Doon lang ako sa tama. Mamahalin ko po yung sarili ko,” pahayag ng aktres.

Ito naman ang pahayag ng kapatid niyang si Marie, na agad nagtungo sa Tagaytay para saklolohan si Ana, “Actually, hanggang ngayon hindi ako maka-move on. Na-shock talaga ako, trauma.

 

 

“Siyempre, sabay kaming lumaki, hindi kami ginulpi ng ganu’n ng mga magulang namin. Pero noong nakita ko siya sa ospital, halos maiyak ako, hindi ko matanggap.

 

“Noong nakita ko siya, niyakap niya ako. Hindi ko naman siya mayakap kasi sobrang sakit ng katawan niya, mukha niya. Iyak lang ako nang iyak. Sabi ko na lang sa kanya, ‘Magpahinga ka na. Magpagaling ka, nandito lang ako.’

“Hindi ko ma-imagine na saktan siya, e, kasi kilala ko siya kung paano siya magmahal, totoo talaga. ‘Di niya deserve yung ganyanin siya ng taong mahal niya,” dagdag pa ni Marie.

Pagkatapos ng masaklap na dinanas natutunan daw ni Ana na, “Mahalin ko muna talaga ang sarili ko bago yung ibang tao. Although alam ko po sa sarili ko kung paano magmahal, as in dalawang kamay ko ang ibibigay ko.

 

“Pero itong nangyari sa akin, kailangan mas doblehin ko nang sobra-sobra ang pagmamahal sa sarili ko para hindi ako nasasaktan,” aniya pa.

Bukas ang BANDERA sa magiging depensa at pahayag ni Kit tungkol sa mga akusasyon sa kanya ng girlfriend.

 

Related Chika:
Kit pinagbantaan daw ang buhay ni Ana: Sabi niya, ‘Akin ka lang! Hindi ka pwedeng mapunta sa iba, akin ka lang!’
Ana Jalandoni naididilat na ang mata matapos mabugbog; binura na ang mga litrato ni Kit sa IG

Read more...