Laro sa Sabado
(Mall of Asia Arena)
4 pm: FEU vs La Salle (playoff para sa
No. 2 seeding)
Team Standings: NU (10-4); FEU (10-4); DLSU (10-4); UST (8-6); Ateneo (7-7); UE (7-7); Adamson (4-10); UP (0-14)
NAGWAKAS na ang limang taong pamamayagpag ng Ateneo de Manila University nang pabagsakin sila ng University of Santo Tomas, 82-74, sa pagtatapos ng 76th UAAP men’s basketball elimination round kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nagbalik ang tikas ni Jeric Teng nang magtala ito ng 19 puntos, tampok ang limang sunod na free throws sa huling 27.9 segundo para balewalain ang pananakot ng Blue Eagles na bumangon mula 18 puntos pagkakalubog at nakalamang pa ilang minuto bago natapos ang ikatlong yugto.
“Mahirap silang talunin dahil five-time champion sila. Pero labanan ito ng puso at pride. Iba rin ang suportang ipinakita ng UST community at para sa kanila ito,” wika ni Growling Tigers coach Alfredo Jarencio na pinawi na rin ang pagkatalo sa Eagles sa finals noong nakaraang taon.
Si Karim Abdul ay mayroong 25 puntos, 9 rebounds at 5 blocks at 19 rito ang kanyang ginawa sa first half na kung saan lumayo sila sa 37-19.
Ngunit gumana ang laro ng Eagles at ang tres ni Kiefer Ravena ang nagbigay pa ng 48-45 kalamangan para magdiwang ang kanilang panatiko.
Pero hindi natinag ang Tigers at ang nakumpletong 3-point play ni Aljon Mariano sa pagtatapos ng ikatlong yugto at ang pinagsamang tatlong tres nina Teng at Clark Bautista ang naglayo sa 12 sa Tigers, 65-53.
Kampante pang lamang ng 13 ang UST, 75-62, nang magsanib-kamay sina Ravena, Chris Newsome at Nico Elorde para dumikit sa tatlo, 77-74, sa huling 28.9 segundo.
Pero blangko na ang mga ipinukol ng Ateneo sa mga sumunod na tagpo at tinugunan ito ni Teng ng mga buslo sa 15-footline.
Ang panalo ay nagbigay karapatan sa UST na harapin ang top seed National University sa Final Four na magbubukas sa Linggo at ang Bulldogs ay may tangang twice-to-beat advantage.
Ang La Salle at FEU ang maghaharap sa isa pang semifinals pero paglalabanan pa nila ang twice-to-beat advantage sa Sabado.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.