Ganda ng Pola, Oriental Mindoro ipinakita sa ’40 Days: The Movie’
MATINDING research pala ang ginawa ni Direk Neal ‘Buboy’ Tan sa advocacy film niyang “40 Days: The Movie” dahil inalam niya kung ilang araw, oras, miles, kilometro, ilang steps bukod pa ‘yung nag-travel by land.
Nabuo niya ang kuwento sa kasagsagan ng COVID 19 pandemic dahil maraming hindi nakauwi sa kanilang pamilya dahil sa biglaang lockdown noong Marso 20, 2020.
Sa panahon daw kasi ng pandemya ay maraming na-obserbahan si direk Buboy na sa kabila ng nararanasang hirap ng mga Pinoy ay nagagawa nilang tumulong sa mga mas nangangailangan.
“Marami palang mababait na Pilipino during the pandemic may Bayanihan spirit. Di ba uso ‘yung mga nag-a-ayuda sa kalsada na kapag may nakitang nakaupo, binibigyan ng ayuda.
“Di ba ginagawa rin natin ‘yan nagluluto tayo para sa frontliners. So, ganu’n ang mga Pilipino ang babait. ‘Yun ang buod ng istorya,” kuwento ng direktor.
Si Mayor Ina Alegre na kumakandidato sa ikalawang termino sa bayan ng Pola, Oriental Mindoro sa Mayo 9, ang lead actress sa “40 Days: The Movie” na kinunan mismo sa lalawigan niya.
Base pa sa kuwento ni direk Buboy ay wala pa siyang naisip na gaganap na artista nang gawin niya ang teaser ng pelikula na naglalakad na babae na may hawak na stuffed toy sa tabing dagat habang nakatingin sa papalubog na araw.
Kaibigang babae raw ‘yung kinunan niya at nang i-pitch niya ito kay mayora Ina ay nagustuhan nito ang concept kaya sabi niya ay gawin na nila ang pelikula at hindi naman nag-aksaya ng panahon si direk Buboy.
“Kapag napanood ninyo ‘yung pelikula na naglalakad sa sunset hindi si Ina ‘yun. Kinunan ko ‘yun sa Pangasinan (beach) na teaser. ‘Yun palang ang daming nag-comment wala pa akong artista no’n.
“Tapos nu’ng in-offer ko kay Ina, ‘yun nagustuhan tapos mahirap mag-shooting noon kasi pandemic kailangan mag lock in shoot kayo maraming protocols.
“Nag-half day kami sa Tagaytay, half-day sa Baclaran tapos dito sa Pola at natapos naman,” pagkukuwento ng direktor.
Posible nga bang kayang lakarin mula Maynila hanggang Pola, Mindoro?
“Oo naman! Di ba may maglakad nga from Manila to Matnog?” balik-tanong ni direk Buboy.
Ang kuwentong ito ay na-feature sa “Maalaala Mo Kaya” na may tituong Tsinelas na pinagbidahan ng nasirang AJ Perez kasama sina Bugoy Carino at Rochelle Barrameda mula sa direskyon ni Dado Lumibao.
Dagdag pa ni direk Buboy, “mayroon pa nga ‘yung sidecar na may aso pa ‘yung pamilya,. Pero naglakad na rin kasi sidecar lang yun.”
Ang binaggit naman ay ang pelikulang “Pedicab” (Pauwi Na) ipinalabas noong 2016 na true to life story ng pamiyang umuwi mula Maynila to Leyte at along the way ay marami silang pagsubok na naranasan. Idinirek ni Paolo Villaluna na pinagbidahan nina Cherie Pie Picache, Bembol Roco, Meryll Soriano, Chai Fonacier, Jerald Napoles at iba pa.
“Actually ako mismo mahilig maglakad. I see to it na everyday naglalakad ako o nagdya jogging,” say ng direktor.
Nang makausap namin si direk ay wala pang target date kung kailan ito ipalalabas sa mga sinehan pero base naman daw kay mayora Ina ay plano niyang ipasok sa Netflix.
Nasambit din I direk Buboy na may mga OFW na gustong mapanood ito sa kani-kanilang bansa, “iwo-work out ko nga kay Ina kasi may gustong mapanood ito sa Dubai, Singapore. Pero si Ina gusto yatang i-Netflix ito.
“Kasi ‘yung ginamit kong camera diyan 4K, ‘yung ginagamit talagang pang Netflix. Ang DOP (Director of Photography) namin si Gilbert Obispo, ako nag edit ng buong pelikula tapos kinolor grade na lang ng editor ko, ako rin gumawa ng trailer kaya mabilis kasi ako na lahat. Ako rin ang musical direktor, ako nag-compose ng mga bagong music na maririnig.”
Kumusta naman si mayor Ina sa muli niyang pagharap sa kamera.
“Actually hindi nga siya seryosong gawin itong movie, laru-laro lang hanggang sa bumaba na kami ng Baclaran. Doon ko nga nakita si James (Blanco) sabi ko nga, ano ba ‘to tapos na ang eksena nandito pa? Nagkagulo tuloy sa Baclaran dahil nandoon si James, pack up na nandoon pa rin?” natatawang tsika ni direk Buboy.
At sa ginanap namang presscon ng “40 Days: The Movie” pagkatapos ng premiere night na ginanap sa gym sa Pola, Mindoro ay ipinaliwanag naman ni James kaya siya nandoon kahit tapos na ang mga eksena ay dahil siya ang acting coach ni mayor Ina base na rin sa request ng huli.
Bukod dito ay inamin din ni direk Buboy na nagsilbing assistant director niya si James dahil nga wala siyang kasama.
Ang ganda ng Pola at ipinakita ito ni direk Buboy sa pelikulang “40 Days: The Movie”.
Samantala, bahagya naming nalibot ang lalawigan ng Pola, Oriental Mindoro na kahit malayo ito sa City ay ang ganda ng mga daan, malinis at walang makikitang mga basura na nakatambak sa tabi, walang nakakalat na mga aso, at ang linis ng dagat, walang mga basura kaming nakita.
Nadaanan din namin ang mga ipinagagawang row houses project ni mayor Ina na nasa tapat ng munisipyo para sa mga kapwa niya Polaenos na walang sariling bahay.
Sabi nga kapag nakabili ng lupa sa Pola ay kailangan patayuan na kaagad.
Anyway, bukod kina James at mayor Ina ay ka-join din sa “40 Days: The Movie” sina Mygz Molino at Cataleya Surio, RADSfest 2021 Best Actress.
Related Chika:
Julia tagaluto ni Coco sa Pola, Mindoro: Mas bet nila ang gulay lang at sariwang isda
May-ari ng rest house sa Pola, Mindoro ‘na-wow mali’ habang nagsu-shooting si Xian Lim
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.