PETRON Blaze has finally lived up to its true potential by topping the elimination round of the 2013 PBA Governors Cup!
Iyan tiyak ang sinasabi ng mga basketball experts tungkol sa pangyayaring winakasan ng Boosters ang nine-game elims schedule nila sa kartang 8-1 upang masungkit ang unang puwesto at makakuha ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals kung saan makakalaban nila ang No. 8 seed.
Siyempre, maraming magsasabing maganda ang naging pagpapalit ng coach ng Petron kung saan hinalinhan ng assistant na si Gelacio Abanilla ng dating head coach na si Olsen Racela na ngayon ay katulong ni Tim Cone sa SanMig Coffee.
Kumbaga’y narendahan ni Abanilla nang mas maayos ang Boosters.Pero siyempre, iba ang kundisyon noon kaysa sa kasalukuyang conference.
Masalimuot kasi kaagad ang nasuungan ni Racela sa simula ng season kung saan nakasama niya sa bench si Rajko Toroman na dapat ay assistant o consultant lang pero nakialam nang husto.
Nagtamo din ng injury kaagad ang prized rookie na si June Mar Fajardo kung kaya’t hindi nakaarangkada nang maayos ang Petron sa Philippine Cup.
Sa Commissioner’s Cup ay maganda sana ang simula ng Boosters. Ang siste’y tinopak ang kanilang import na si Renaldo Balkman sa kanilang ika-anim na laro.
Nagwala si Balkman at sinakal pa nga nito ang kakamping si Arwind Santos. Hayun at napalayas siya’t napatawan ng lifetime ban sa liga. Nang mawala siya, sumadsad ang Boosters. Nahirapan silang makabawi.
Kaya naman nakahinga ng maluwag ang Boosters matapos na makalampas sila sa ika-anim nilang laro sa kasalukuyang Governors Cup.
Anila’y tapos na ang sumpa ni Balkman. Ang maganda sa kasalukuyang kampanya ng Petron Blaze ay ang pangyayaring mayroon silang eight-game winning streak matapos na matalo sa kanilang unang laro kontra Meralco Bolts.
Kumbaga’y nadapa kaagad si Abanilla sa kanyang unang sabak bilang head coach sa PBA. Pero marami siyang natutunan sa pagkakadapang iyon. Hindi iyon nagsilbing malaking balakid upang maihatid ang minana niyang koponan sa itaas.
Maganda rin ang materyales ni Abanilla dahil nga sa ang nakuha nilang import na si Elijah Millsap ay sinasabing pinakamahusay sa mga reinforcements sa torneo.
At ang pinakaimportante sa lahat ay ‘walang topak’ si Millsap. Trabaho lang ito nang trabaho! At kapag mahusay ang isang import at walang problema sa utak, siguradong naa-appreciate siya ng mga locals.
Alam ng locals na mayroon silang masasandalan sa oras ng pangangailangan. May bubuhat sa kanila kung kinakailangan.
Kasi, kapag bobo ang import o may topak, nahihirapan ang mga locals.
Naiisip ng ilan na sayang ang dolyares na ibinabayad sa reinforcement na ito pero walang pinupuntahang maganda. So, everything is falling into the right place para sa Petron Blaze at kay Abanilla.
Pero siyempre, hindi pa kumpleto ang kanilang misyon. Elimination round schedule pa lang ang natatapos ng Petron. Oo’t may twice-to-beat advantage sila sa No. 8 seed na makakatungali nila sa quarterfinals.
Pero hindi iyon garantiya na lulusot sila. Puwede silang ma-upset kapag sila’y nagpabaya.Iyon ang ayaw na mangyari ni Abanilla. Kailangang mapanatli niya ang talas ng kanyang mga manlalaro.
Kailangang mapanatli niya ang gutom ng kanyang koponan. Bale wala ang pagiging topnotcher sa elims kung hindi magagawa ng Petron Blaze na ipanalo ang laban hanggang sa dulo!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.