Elisse, McCoy nagsasagutan sa socmed, magkaaway nga ba?

Elisse, McCoy nagsasagutan sa socmed, magkaaway nga ba?

NAGULAT ang followers ng aktor na si McCoy De Leon sa FB post niya ngayong hapon na tila may pinagdadaanan sila ng partner niyang si Elisse Joson.

Tsinek namin ang IG stories ng aktres at mas nauna pala siyang mag-post ng, “Akala ko ok na pero nakakapagod pala. Gabi-gabi na lang ako walang tulog. Babad sa isip ko kung paano matitigil ‘yung paghihirap namin ni baby.

Pagkalipas nang 20 minuto ay sumagot si McCoy sa pamamagitan din ng post niya sa Facebook account niya.

“Maya’t maya akong nagche-check para siguraduhin na okay kayo. Wala na rin akong maayos na tulog. Pero sana kahit ganito, hindi tayo susuko dahil gagawin ko ang lahat mapasaya at maprotektahan kayo ni baby.”

Halos iisa ang komento ng followers ng aktor na sana hindi sila bumitaw ni Elisse anuman ang pinagdadaanan nila alang-alang kay Baby Felize na kailan lang nabinyagan.

 

 

Bukod dito ay na-check din namin na okay pa ang McLisse sa mga IG post nila kahapon, Huwebes kaya nakakabigla na may mga ganito silang sagutan sa social media nila.

Pero naguluhan kami dahil may nag-comment na promo raw ito ng gamot na ini-endorso nina McCoy at Elisse at diaper ni Baby Felize.

Ilang minuto lang ang nakalipas ay binura na rin ang nasabing komento ng netizen.

Hmm, parang hindi naman yata maganda na gamitin nina McCoy at Elisse ang relasyon nila para lang sa mga produktong ini-endorso nila.

Anyway, habang sinusulat namin ang balitang ito ay umabot na sa 86 shares, 315 comments and still counting ang post na ito ng aktor pagkalipas ng isang oras at kalahati.

* * *

Matapos na ilipat ang pagdiriwang ng Film Ambassadors’ Night noong 2021 sa virtual na platform dahil na sa pandemya, ang pagdiriwang ay nagbabalik bilang isang in-person event na ginanap sa kaaayos lamang na yamang kultural, ang maringal na Manila Metropolitan Theater, noong Linggo, ika-27 ng Pebrero. Nagtipon ang mga filmmakers, performers, artista, manggagawa sa pelikula, mga mamamahayag, at mga sumusuportang mga kaibigan at pamilya sa okasyon ng parangal at kultura sa ika-anim na edisyon ng Film Ambassadors’ Night na pinangunahan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Ang 77 na bagong mga Film Ambassadors ay binigyang pugay para sa kanilang tagumpay sa pagpapakilala ng talento ng Pilipino sa mundo, at pagpapakilala sa kalidad at kabuluhan ng pelikula ng Pilipinas sa internasyonal na entablado.

Binati ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño ang mga bisita sa kaniyang pambungad na talumpati, “It is truly incredible to be able to celebrate in hybrid and in person for the first time in the last two years. I can’t tell you how amazing it is to finally meet all of you personally and hear your stories of challenges, of coping, and of creating amazing stories out of all kinds of inspirations.”

Mayroong 25 honorees para sa short film category, 9 para sa documentary, 2 creative awards, 7 aktor, at 2 special citations ang kinilala at binigyan ng kanilang sandali sa spotlight.

Ilan sa mga artista at kilalang mga pangalan sa industriya na dumalo sa pagdiriwang ay sina, Glaiza de Castro, Janine Gutierrez, Snooky Serna, Direktor Khavn de la Cruz at Direktor Joel Lamangan.

Ibinahagi ng bida ng Dito at Doon na si Janine Gutierrez, “Never po kasi kami naka-attend ng actual film festivals for Dito at Doon, so this is actually the first time that there’s a physical event na mapupuntahan ko with regards sa mga nagawa kong pelikula–sobrang excited po ako.”

Nakatanggap ang bansa ng labintatlong puwesto sa mga prestihiyosong A-List Festivals noong 2021 na isa nang karangalan. Ilan sa mga pinakamalalaking internasyonal na festivals na ito ay ang Toronto International Film Festival, Busan International Film Festival, Tokyo International Film Festival, Locarno Film Festival, at Venice International Film Festival, kung saan kinilala ang mga Filipino films sa iba’t ibang kategorya. Dahil sa tagumpay na ito ay pinarangalan bilang A-Lister Film Ambassadors ang Gensan Punch ni Brillante Mendoza, Whether The Weather Is Fine (Kun Maupay Man It Panahon) ni Carlo Francisco Manatad, at si G. John Arcilla ng pelikulang On the Job: The Missing 8.

Personal na tinanggap ni John Arcilla ang kaniyang award samantalang kapwa hindi nakadalo sina Mendoza at Manatad para tanggapin ang kanilang mga award ngunit sila ay nagbigay ng kanilang pasasalamat at kuwento tungkol sa kanilang mga panalo sa pamamagitan ng video message.

Ipinagkaloob din ng FDCP ang Gabay ng Industriya Award sa mga indibidwal na nagkaroon ng mga namumukod-tanging tagumpay sa kanilang mahabang karera at naging mga iginagalang na sandigan ng pelikulang Pilipino. Nagpalabas ng mga tribute videos para sa mga awardees ng Haligi ng Industriya at Ilaw ng Industriya na naglaman ng mga taos-pusong mensahe mula sa mga kaibigan sa industriya at minamahal na pamilya ng mga awardee.

Si Konsehal Jana Ejercito ay nagpahatid ng pasasalamat mula sa kaniyang ama na si G. Jesse Ejercito para sa kaniyang Haligi ng Industriya Award. Ang artista at anak ni Bb. Rosa Rosal naman na si Toni Rose Gayda at apo sa tuhod na mamahayag na si William Thio, ay nagsama sa entablado upang tanggapin ang Ilaw ng Industriya Award.

Ang pinakamataas na pagpupugay na ipinagkakaloob ng FDCP sa mga katangi-tanging pelikula o mga indibidwal na naghawan ng mga bagong landas para kanilang mga larangan sa pelikula ay ang Camera Obscura Excellence Award, ay ipinarangal kina G. John Arcilla at sa pelikulang On the Job: The Missing 8 (OTJ). Tinanggap ng producer na si Dondon Monteverde ang Camera Obscura para sa pelikula, ibinahagi niya ang parangal sa direktor na si Erik Matti at sa kanilang mga mahuhusay na aktor.

Pahayag ni Monteverde, “Mahaba talaga ang naging journey ng project na ito. Masayang masaya kami sa mga naabot namin, being acknowledged at prestigious festivals like Venice is already a big honor for us. Dahil dito, we want to continue doing content like this. As I always tell my peers: continue dreaming, never give up, dahil world-class talaga ang mga Pilipino.”

Personal na tinanggap ni G. John Arcilla ang kaniyang Camera Obscura Award at inalay ito sa kaniyang pamilya, mga katrabaho sa proyekto, mga gumabay sa kaniya sa industriya, at sa mga tumulong sa kaniyang makamit ang tagumpay sa Venice Film Festival bilang Volpi Cup Best Actor.

“An actor is a mirror of everything that is happening within and outside him. An actor’s work is a reflection of everything that surrounds him. A film should entertain and liberate minds. Nawa po ay patuloy tayong gumawa ng mga pelikula na lalong magpapakilala sa makulay na kultura at kasaysayan ng Pilipinas sa mundo, upang makita nila iyong sinasabi ko na hindi tayo naiiba sa kanila,” ang pahayag ni Arcilla sa kaniyang mensahe ng pasasalamat.

Sa pagtatapos ng gabi, binigyang-diin ni FDCP Chairperson Diño na kumukuha ng inspirasyon ang FDCP mula pagpupunyagi ng mga filmmaker-honorees. “Thank you for the films that form our cinematic culture. May the success of all the Film Ambassadors in the last five years and up until today crystallize our place in world cinema.”

Itinanghal ng Film Ambassadors’ Night ngayong taon ang dedikasyon ng mga filmmakers na maigpawan ang mga hamon na dala ng pandemya sa paggawa ng pelikula sa taong lumipas. Ang theme na “Beyond Limits” ay sumasalamin na pagpupunyaging ng mga manggagawa sa industriya, na sa kabila ng mga limitasyon nagpatuloy sa kanilang sining at nagdala ng pagkilala sa Pilipinas.

Ang aktres at host na si Kaki Teodoro ay nagbigay ng kislap sa pagtatanghal bilang pangunahing tagapagdaloy ng programa. Nagtanghal ang Dance Royalties, Pogi Boys, at ang pinakabatang miyembro ng Philippine Opera Company, ang 13-taong gulang na sopranong si Alexa Isobel Kaufman na naghatid kasiyahan sa okasyon sa kabila ng safety protocols.

Ang 6th Film Ambassadors’ Night ay naging posible sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Sa kaniyang maikling mensahe, ibinahagi ni NCCA Chairperson Arsenio “Nick” Lizaso ang kaniyang pagbati sa FDCP at sa lahat ng patuloy na nag-aambag para sa kultura at sining ng bansa. Nakipagtulungan din ang CMB Film Services sa teknikal na pasilidad at technical crew. Ang kaganapan ay idinirehe ng singer-songwriter at event director na si Ice Seguerra.

Ang 6th Film Ambassadors’ Night ay eksklusibong ipapalabas sa FDCP Channel sa ika-12 ng Marso, Sabado, sa ganap na alas-otso ng gabi. Manatiling nakatutok sa social media pages ng Film Development Council of the Philippines para sa access at iba pang paalala.

Related Chika:
Sino nga ba ang ‘ultimate leading lady’ ni John Lloyd Cruz?
McCoy, Elisse pinag-usapan kung bakit sila naghiwalay noon
McCoy, Elisse nagbalikan bago magkapandemya; may 4 ‘magic word’ para sa LDR

Read more...