No El, DQ ni Marcos at acting president, banta sa ating demokrasya | Bandera

No El, DQ ni Marcos at acting president, banta sa ating demokrasya

Atty. Rudolf Philip B. Jurado |
Ibang Pananaw -
January 12, 2022 - 02:17 PM

election-12jan2022

Una, Petition (to reopen the filing of Certificate of Candidacy) sa COMELEC, tapos, nagkaroon ng proposal na amendahan ang Constitution, ngayon naman hacking ng server ng COMELEC. Ang mga ganitong usapin ang bumubuhay sa isyung no election at sa kakambal nitong acting president.

Huwag naman sanang mangyari pero ang sakaling pagkakaroon ng isang acting president sa ating bansa sa tanghali ng June 30, 2022 ay maaaring maganap kung alinman sa mga sumusunod ay mangyayari:

1. Sa anumang dahilan walang naganap na national election. Sa ganitong sitwasyon,  ang Senate President, o kung hindi nito kaya ang Speaker ng Kamara ang gaganap na Pangulo (acting president).

Nauna ng pinahayag ni Senate President Tito Sotto na magbibitiw ito bilang pinuno ng Senado upang matiyak na mayroong Senate President na gaganap na acting president sa tanghali ng June 30 kung sakaling hindi magkaroon ng election sa Mayo. Bagamat marami ang nagtatanong at nangangamba, limitado lang talaga ang pagpipilian sa matitirang labing-dalawang senador na ang termino ay magtatapos pa sa 2025 at ito ay sina Bong Go, Bato dela Rosa, Revilla, Lapid, Tolentino, Villar, Poe, Binay, Pia Cayetano, Imee Marcos, Koko Pimentel at Sonny Angara. Isa sa kanila ang magiging susunod na Senate President. Isa sa kanila ang mabibigyan ng pagkakataon maging acting president ng bansa sa June 30. At oo, isa sa kanila, at huwag naman sanang pahintulutan ng tadhana, ay maaaring maging banta sa ating demokrasya.

Bagamat sinabi ng ating constitution na gaganap lang ang Senate President o Speaker bilang acting president hanggang sa makapili (chosen) at maging marapat (qualified) ang Pangulo, wala naman tinakda ito kung kailan at papaano magkakaroon ng presidential election sa ganitong sitwasyon. Tandaan na dahil walang naganap na national election, wala rin Kongreso (Senado at Kamara) na gagawa at magpapasa ng batas upang tumawag ng isang presidential election. Ang isang matinong acting president ay agarang tatawag ng isang presidential election ngunit wala naman ito sa kanyang constitutional power. Tanging Kongreso lamang ang makakagawa nito. Pero sa isang lasing na kapit tuko sa kapangyarihan na acting president, ito naman ay isang makademonyong pagkakataon upang patagalin ang kanyang kapangyarihan at panunungkulan bilang acting president. Ito ay delikado at tunay na isang banta sa ating demokrasya.

May nagsasabi na walang aaktong acting president sa June 30 kung walang eleksyon dahil ang termino ng isang Senate President ay magwawakas sa pagtatapos ng Kongreso sa June 30 maski ang termino ng senador na nanunungkulan bilang Senate President ay magtatapos pa sa 2025. Tanging ang Korte Suprema lamang ang makakapagsabi kung ano ang tama dito.

2. Nagkaroon ng national election (May 9) ngunit tanging ang halal na Pangalawang Pangulo (VP-elect) lang ang napili at ipinroklama ng Kongreso (acting as National Board of Canvasser) at sa anumang dahilan walang pinili (chosen) o wala pang napipili at naproklamang (proclaimed) halal na  Pangulo (President-elect) pagsapit ng tanghali ng June 30.

Ito ang pagkakataon nina Kiko, Tito, Sara at iba pang mga tumatakbong pagka bise-presidente na maging acting president ng bansa dahil ayon sa constitution ang VP-elect ang aakto bilang acting president (at the same vice-president) sa ganitong pagkakataon pagsapit ng tanghali ng June 30 hanggang sa makapili at marapat ang President-elect.

Ang ganitong sitwasyon ay maaaring mangyari kay former senator Ferdinand Marcos Jr. at kung sino man ang mahalal na Vice-President. Halimbawang hindi pumili at magproklama ang Kongreso ng President-elect pagsapit ng June 30 dahil sa nakabinbing disqualification (DQ) cases sa COMELEC o sa Korte Suprema laban sa anak ng dating diktador maski ito pa ang nangunguna sa balota sa pagkapangulo, ang VP-elect ang siyang manunungkulan muna bilang acting president. Ang VP-elect na magiging ganap na Vice-President ng bansa pagdating ng katanghalian ng June 30 ay aakto rin bilang acting President hanggang hindi pa napipili at napoproklama ng Kongreso kung sino ang President-elect (at mag-qualify). Pero anong Kongreso ang mamimili at magpoproklama ng President-elect (si Marcos) kung sa ganitong sitwasyon tapos na ang termino ng miyembro nito sa June 30? Ang bagong Kongreso ba? Kayo na ang mag-isip at gumamit ng imahinasyon kung sino ang napupusuan niyong maging pinagpalang mahahalal na susunod na bise-presidente na aaktong acting president sa maaaring mahabang panahon sa ganitong pagkakataon.

Isa tayo sa maraming naniniwala na ang dating senador Ferdinand Marcos Jr. ay disqualified tumakbo bilang Pangulo dahil sa conviction nito sa tax cases pero sa ganitong scenario at eksena, delikado at banta ito sa ating demokrasya.

Kung sakali naman na parehong walang napili, naproklama (ang Kongreso)  at nag-qualify na President-elect at VP-elect, sa pagsapit ng June 30, ang Senate President, at kung hindi nito kaya ay ang Speaker ng Kamara ang magiging acting president hanggang sa may mapili at mag-qualify na Pangulo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

3. Nagkaroon ng national election (May 9), pinili at pinroklama ng Kongreso (acting as National Board of Canvasser) ang President-elect at VP-elect ngunit hindi nag-qualify ang President-elect sa pagsapit ng tanghali ng June 30 dahil hindi ito nanumpa sa katungkulan (oath of office) at nag-assume ng kanyang katungkulan bilang Pangulo dala ng anumang legal na hadlang (legal impediments).

Kailangan manumpa ng oath of office ang President-elect at gampanan ang kanyang tungkulin bilang Pangulo ng bansa para masabing nag-qualify ito at maging ganap na Pangulo. Kung sa anumang dahilan, boluntaryo man o dahil sa legal na hadlang, at ang President-elect ay hindi mag-qualify ang VP-elect ang aakto bilang Pangulo hanggang mag-qualify ang President-elect. Muli ang ganitong kaganapan ay maaaring mangyari kay Ferdinand Marcos Jr. dahil sa hinaharap nitong mga disqualification cases.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending