Zeinab Harake, Alex Gonzaga niregaluhan ng P160k ang isang elementary teacher
MULI na namang namigay ng tulong pinansyal ang vlogger na si Zeinab Harake kasama ang mag-asawang sina Alex Gonzaga at Mikee Moranda.
Sa vlogmas series ni Zeinab na “Santa Zebby” ay si Alex na nga ang latest guest player nito na siyang magdidikta kung magkano ang mapapanalunan ng kanilang letter sender na isang elementary teacher.
Kwento ni Zeinab, labis ang kanyang tuwa noong malaman niya na hindi para sa sarili kundi para sa mga bata ang hiling ng guro.
Mayroon kasi itong adbokasiya na naglalayong tulungan ang mga bata na matutong magbasa.
“Ang wish ko po ay para sa mga estudyante ko. Balak po kasi namin na makakuha ng mga materials na gagamitin para sa pagbasa ng mga bata. ‘Yun nga po ang tinawag naming PBB, ‘Pandemya ka lang, Babasa ang Bata’,” pagbabahagi ng guro.
“Yehey! Ang ganda! ‘Yung nakatulong ka na, tapos nakatulong pa siya,” puri ni Zeinab.
Nag-congratulate na agad si Zeinab dahil paniguradong may maiiuwi na sila agad sa tulong ni Alex.
View this post on Instagram
Nang malaman ni Alex kung sino ang matutulungan at ang adbokasiya nito ay agad nitong tinawag ang asawang si Mikee.
“Mikee, ikaw na lang kaya ang maglaro? Sige na kasi ibibigay sa charity. Baka wala akong maibigay,” pangungumbinsi ni Alex sa asawa.
Sa huli ay sumali na si Mikee sa laro para mas maraming maibigay na pera para kay Teacher Rachel at sa mga estudyante at mag-aaral ng kanyang pinagtatrabahuhang paaralan.
Kinakailangan lamang maipasok nina Alex at Mikee ng mga bola sa mga cups na may P1,000, P2,000, at P3,000 at kung ilan ang maipapasok nila sa loob ng tatlong minuto ay yun ang matatanggap ni Teacher Rachel.
Nang matapos ang game ay nakakuha ng P150,000 ang mag-asawa at dinagdagan pa ito ng P10,000 ni Zeinab kaya naman P160,000 ang total na maibibigay kay Teacher Rachel at sa advocacy nito.
“Nagpapasalamat po kami lalong lalo na ang paaralan ko kasi hindi lang po ito para sa iisang tao lang na matutulungan kundi pati ‘yung 7000 na mga bata ng Camarin D Elementary School.” sey ni Teacher Rachel.
“Sobrang dami po nitong matutulungan dahil sobrang laki po ng school namin pero kulang po kami sa mga kailangan ng mga bata kaya malaking tulong po ito,’ dagdag pa niya.
Pinuri naman ni Alex si Zeinab sa magandang adhikain nito na pagtulong sa kapwa.
“Ang galing galing naman nito, kay ganda ng adhikain nitong si Zeinab.”
Related Chika:
Kim Chiu, Zeinab Harake niregaluhan ng P100k ang isang fan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.