Bandera Editorial: Pag-aralan ang 'gulo' | Bandera

Bandera Editorial: Pag-aralan ang ‘gulo’

- April 21, 2010 - 04:38 PM

Bandera Editorial

WALA ka bang napapansin sa paligid?  Napaliligiran ka na ng “gulo.”  Maaaring abala ka sa ilang bagay, tulad ng pagsubaybay sa araw-araw na batuhan ng putik ng mga politiko (imbes na mangampanya).  Araw-araw na resulta ng survey na sila-sila lang ang nakaaalam at idinuduldol sa mahihirap at pilit na pinaniniwala ang mahihirap na nangunguna na si tarpulano kaya’t kapag siya at natalo, tiyak na dinaya?
Nariyan ang maaaring gulo raw na dulot ng failure of election.  Nariyan ang maaaring gulo mula sa failure of automation.  Nariyan ang maaaring gulo sa araw mismo ng halalan dahil milyun-milyong botante ang sa presinto pa lang mag-aaral kung paano ang automated polls.
Nariyan ang gulo na dulot ng maaaring pagkawala ng tubig dahil sasagad na nga ang laman ng mga dam at reservoir.  At kung wala na ang tubig ay wala na ring kuryente, na maaaring maganap mismo sa araw ng halalan, kaya’t walang mapapakinggan mula sa radyo, walang mapanonood mula sa telebisyon at walang mababasa sa inbox ng cell phone dahil wala na ring darating na text.
Nariyan din ang gulo dulot ng ginagatungang reaksyon (simula sa pamilya ng mga biktima, mamamahayag, mismong mga prosecutors, mga senador, mga kongresista at ngayon nga ay pinanghimasukan pa ng mga banal na obispo na sinisisi ng kapwa nila naka-abito dahil sa pangungunsinti sa kahalayan mismo ng mga pari) mula sa pagbasura ng kasong murder kina Zaldy at Akmad Ampatuan.
Nariyan din ang gulo na pinagdudahan ang pagpapatawag ng mga battalion command conferences sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo na sa Mindanao, ni Defense Secretary Norberto Gonzales, na ang maaari umanong kalabasan ay ang pag-agaw ng poder ng militar para maibalik sa kaayusan ang bansa bunsod ng nakikitang mga gulo na mangyayari at patuloy pa ring ginagatungan ng mga komunista, politiko, pari, negosyante at mga kolumnista’t komentarista na malinaw na may mga kinikilingan.
Ikaw na lang ang pag-asa.  Kailangan mong pag-aralan, limiin, himayin at desisyunan ang mga napapansin sa paligid.
Makikigatong ka ba sa gulo, o gagawa ka ng paraan para mapigil ito?

Bandera, Philippine Elections, 042110

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending