Magkaiba si VP Leni at Bongbong Marcos | Bandera

Magkaiba si VP Leni at Bongbong Marcos

Atty. Rudolf Philip B. Jurado |
Ibang Pananaw -
November 03, 2021 - 02:43 PM

BONGBONG MARCOS AT LENI ROBREDO

Maingay ngayon sa social media ang pagkukumpara kina VP Leni Robredo at kay former senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Sila ang dalawang kandidatong pinaniniwalaan sa ngayon na may malaking pag-asa na manalo bilang pangulo sa May 2022 national election.

Madaling maikukumpara ang dalawa dahil tubig at langis o puti at itim ang kanilang pinagkaibahan. Sabi nga, diametrically opposed ang kanilang buhay, ang kanilang pinagkalakihan, ang kanilang paniwala, pananaw at adhikain, lalo na ang kanilang patakaran (policy) at ang kanilang konsepto at prinsipyo (concept and principle) sa buhay at politika.

Si VP Leni ay isang probinsyana, laki at nag-aral sa Naga City. Hindi mahirap at hindi rin mayaman ang pinanggalingang pamilya. Graduate ng UP (Economics) at sumunod sa yapak ng kanyang ama – isang abogada. Asawa ng dating mayor ng Naga City at  DILG secretary, na ng namatay sa isang plane crash ay kinalungkot ng buong bansa. Tinalo ang isang Villafuerte – mga higante sa politika – sa congressional election (3rd District, Camarines Sur) noong 2013. Nahalal bilang VP (2016) kung saan nakalaban nito ang mga beterano at mas kakilalang politiko na pinangungunahan ni Bongbong, Cayetano, Escudero, Honasan at Trillanes.

Kabaliktaran naman ito ng buhay ni Bongbong. Isang Manila boy, Lasalista at lumaki sa marangyang buhay. Nag-aral sa ibang bansa, sa sikat at mamahaling eskwelahan, ngunit sinasabing tila hindi nakapagtapos. Anak ng dating presidente. Kasama ng kanyang mga magulang at kapatid na umalis at nanirahan sa ibang bansa matapos mapatalsik ang kanyang ama sa pwesto noong 1986 sa naganap na EDSA revolution. Bumalik sa Pilipinas at tumakbo ngunit natalo (No 16) sa pagka-senador noong 1995. Naging congressman at gobernador ng Ilocos Norte na walang seryosong kalaban. Muling tumakbo at nahalal bilang senador noong 2010. Pumangalawa kay VP Leni sa 2016 vice-presidential election.

Si VP Leni ay tumindig at nagsalita laban sa mga hindi makatarungan at maling patakaran ni Pangulong Duterte, gaya ng pagpapairal ng kinakatakutang war on drugs, isyu tungkol sa laganap na extra judicial killings, usaping West Philippine Sea at pro-China policy, pagtatanggol at pagtatakip ni Duterte sa mga kaibigan at kaalyado na nasasangkot sa corruption, pati na ang pagresolba ng kasalukuyang pandemya. Wala tayong narinig kay Bongbong tungkol dito, siguro dahil naging tunay na kaalyado ito ng mga Duterte.

Kung noon ay supporting role lang sila sa halalan bilang mga kandidato sa pagka vice-president, ngayon ay magtatagpo muli ang kanilang landas para sa pinakamataas na pwesto sa bansa – ang pagkapangulo. Hindi katulad noon, si VP Leni ay tumatakbo ngayon bilang isang independent candidate at walang political machinery ngunit suportado naman ito ng mga taong gustong maibalik ang katinuan sa gobyerno na nilapastangan at nawala dahil sa mga kagagawan ni Duterte. Patunay ng ganitong klaseng suporta ay ang nagaganap na Pink Revolution sa social media at ang pink caravan sa iba’t-ibang lugar ng bansa.

Si Bongbong naman ay suportado ng mga pinaghalong “Marcos loyalist” na nais ibalik ang panahon ng “New Society”, mga taong naniniwala na mas maganda ang buhay ng tao noong panahon ng mga Marcoses at napaniwala na ito ang “golden years” ng Pilipinas, mga taong naniniwala na si Bongbong ay kasing talino at husay ng kanyang ama, at mga taong gustong ituloy ang programa ni Duterte, partikular ang  “Build, build, build” na sinasabing kinopya sa panahon ng dating pangulong Marcos Sr. Kasama na rin dito ang ilang mga opisyal ng kasalukuyang pamahalaan na umaasa na “tuloy ang ligaya” sa pamahalaang Marcos sa 2022.

Si VP Leni ay simbolo ng pagbabago at hinaharap. Si Bongbong ay nakatuon sa nakalipas, ang pagbabalik ng “New Society” at “golden years” at karugtong ng kasalukuyang pamahalaang Duterte.

Ang boto kay VP Leni ay boto para sa pagbabago. Ang boto kay Bongbong ay boto para baliktarin ang makasaysayang Edsa Revolution. Boto para tubusin (redeem) ang karangalan at pangalan. Hayaan natin ang tao ang humasga nito sa May 2022.

Tunay ngang magkaiba si VP Leni at Bongbong.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending