Pilipinas back-to-back ang pagkapanalo sa Mister Gay World
MANILA, Philippines—Muling nagwagi ang isang Filipino sa Mister Gay World pageant na ginanap nang virtual madaling-araw ng Okt. 17 (oras sa Maynila).
Nasungkit ng advertising executive na si Leonard Kodie Macayan ang titulo, na naiuwi rin ng Filipinong si Janjep Carlos noong 2019. Tinapatan nila ang back-to-back ng South Africa noong 2010 at 2011, at New Zealand noong 2012 at 2013.
Sa magkasunod na pagkapanalo nina Macayan at Carlos, Pilipinas na ang may pinakamaraming panalo na may kabuuang tatlong titulo mula nang nagsimula ang patimpalak noong 2009. Si John Raspado ang unang Pilipinong hinirang na Mister Gay World, nanalo siya noong 2017.
Nakatakdang idaos sa South Africa ang edisyon ng Mister Gay World para sa 2020, ngunit isinantabi ito dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19. Nagpasya ang mga organayser na magkaroon na lang ng dalawang virtual competition ngayong taon na ituturing bilang edisyon para sa 2020 at 2021.
Online din ang 2021 pageant, at nakatakda itong isagawa bago matapos ang buwan. Ang Cebuanong si Joel Rey Carcasona ang kakatawan sa Pilipinas at sisikaping bigyan ang Pilipinas ng “three-peat.”
Hinirang si Macayan bilang kinatawan ng Pilipinas para sa Mister Gay World nang magwagi siya sa Mister Fahrenheit contest noong Pebrero 2020, habang nagsisimula pa lang kumalat ang COVID-19.
Para sa international contest, hinirang din siyang “Best in Interview” at “Best in National Costume.”
Itinanghal namang first runner-up si Marek Piekarczyk ng Poland, at second runner-up si Vicente Miron ng Mexico.
“It is not to achieve fame or influence that motivated me to win the crown, I am here because of my vision to build an inclusive world for the LGBTQ+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) members, give us a better life by ending prejudice and hate towards us and break the walls that divide us from the rest of the world,” sinabi ni Macayan sa Facebook.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.