Willie tinawag na scammer ng bagong-panganak na ginang: Sige scam pa! Manloko ka pa! | Bandera

Willie tinawag na scammer ng bagong-panganak na ginang: Sige scam pa! Manloko ka pa!

Reggee Bonoan |October 17,2021
facebook
share this

Willie tinawag na scammer ng bagong-panganak na ginang: Sige scam pa! Manloko ka pa!

Reggee Bonoan - October 17, 2021 - 11:41 AM

Willie Revillame

TAWA kami nang tawa habang pinapanood namin si Willie Revillame at kausap ang maswerteng babaeng nagmamay-ari ng numerong tinawagan niya.

Napakagkamalan kasi siyang scammer ng lucky winner sa  “Wowowin” episode nitong nakaraang Huwebes, Okt. 14.

Palibhasa hindi naman nagpapakilala kaagad si Kuya Will sa mga nakakausap niya sa kabilang linya kaya buong-ningning siyang tinawag nang paulit-ulit na “scammer.”

In-upload sa “Wowowin” YouTube channel ang mahigit walong minutong kulitan ni Willie at ng babae na bagong panganak pala.

Bungad ng TV host, “Hello? Sino to? (sumagot naman din ang babae na mainit ang ulo). Sino ‘to? Anong ginagawa mo? ‘Wag ka magalit.  May sasabihin nga ako sa ‘yo, mayroon akong magandang balita.”

Pero binabaan ang TV host ng telepono, “Ha-hahaha! Pinatayan ako. Nabuwisit, eh. Nabuwisit po siya mga kababayan.”

Tinawagan ulit ito ni Willie, “Bakit mo ako binabaan? Ayaw mo ng jacket? Ayaw mo ng tablet? Ayaw mo ng five thousand Shopee pabonus, ayaw mo ng thirty thousand?”

“Sige scam pa! Manloko ka pa!” sagot ng babae.

“Wala ka bang TV, manood ka nga?” sagot nito sa girl.

“Wala! Wala akong TV!” pasigaw na sagot ng nasa kabilang linya.

“Ayaw mo ng regalo?” balik-tanong ni kuya Will.
“Sino ba ‘to? (sabay mura ng babae). Sige scam pa, scam pa Dingdong!” sabi ulit ng girl.

Tila nairita na si Willie, “Hindi nga ako scam, anong scam!  Si Willie ‘to!  Revillame!”

“Talaga lang ha!” seryosong sagot ng girl na ikinatawa na ni Kuya Will.

At saka lang tinanong ng “Wowowin” host kung anong pangalan ng girl at nang binanggit ay tinanong muli ni Willie kung bakit hindi naniniwalang siya ang kausap ng babae.

“Hindi ako naniniwala nasa lying-in ako bagong panganak ako, sino ka ba!” iritableng sagot uli nito. 

“Ay, kapapanganak mo lang o manganganak ka palang?” sabi nito.

“Kapapanganak ko lang hindi pa nga ako nakakalabas, eh.  Sino ba ‘to kasi?” sabi ulit sa kabilang linya.

Willie umaming nalugi ng P140-M dahil sa ‘Wowowin’

Humingi naman ng dispensa si Willie at ipinagdiinang hindi siya nanloloko at para mapatunayang seryoso siya ay tinanong nito kung anong kantang paborito ng babae at kakantahin niya.

At dito nalaman ng “Wowowin” host na kaya hindi makalabas ng lying-in ang mag-ina ay dahil wala pa siyang pambayad at hinihintay daw nito ang asawa niya.

Habang kinakantahan ang girl ng “Ikaw Na Nga” ay sinabihan niya ang host ng, “Baka kaboses mo lang si kuya Will.” Pero bago magtapos ay naniwala na rin ang bagong panganak na babae at naghihiyaw na sa tuwa.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

At saka ibinigay ni Willie ang napanalunan ng girl na nagpakilalang si Mary Rose na tuwang-tuwa siyempre at nagpa-shoutout pa para sa lying in clinic at sa nagpaanak sa kanyang doktor.

Habang sinusulat namin ang balitang ito ay dalawang araw na ang nakalipas at kulang 600,000 views na ang episode na ito at nakakatuwa ang mga comments ng netizens dahil ang lakas daw mag-trip ni Willie at nagpapasalamat sa mga tulong na naibibigay nito sa kababayan niya at mas maigi nga raw na hindi siya natuloy sa politika.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending