Jake arestado matapos mabangga ang sasakyan ng mga pulis; delivery rider tinamaan ng ligaw na bala | Bandera

Jake arestado matapos mabangga ang sasakyan ng mga pulis; delivery rider tinamaan ng ligaw na bala

Ervin Santiago - October 10, 2021 - 08:55 AM

Jake Cuenca

ARESTADO ang aktor na si Jake Cuenca matapos umanong mabangga ng kanyang sasakyan ang service vehicle ng mga pulis.

Ayon sa report, naganap ang insidente kahapon, dakong alas-9 ng gabi sa Mandaluyong habang binabagtas ni Jake ang kahabaan ng Shaw Boulevard.

Sa ulat ng GMA, hindi raw huminto ang aktor nang mabangga ng kanyang SUV ang sasakyang gamit ng mga otoridad na nagsasagawa umano ng anti-illegal drug operation sa Mandaluyong.

Ayon kay Eastern Police District director Police Brigadier Gen. Matthew Bacay, napilitang habulin ng mga pulis ang sasakyan ni Jake nang magtuluy-tuloy lamang ito na parang walang nangyari.

Naabutan naman ng mga rumespondeng pulis ang nasabing sasakyan sa may Shaw Boulevard sa Pasig City at doon nga nila nalaman na si Jake nga ang nagmamaneho ng SUV.

“Last night at about 9 p.m., may dumaan na sasakyan, unfortunately tinamaan ang sasakyan ng mga pulis natin at hindi tumigil ang sasakyan.

“Hinabol ng mga pulis natin hanggang sa nakarating sa area ng Pasig sa may Shaw and when confronted, nakita na ang driver ng sasakyan ay ang aktor na si Jake Cuenca,” pahayag ni Bacay.

“During the chase. kailangan i-disable ang sasakyan (ni Jake) kaya pinutukan ang gulong. May Grab driver na tinamaan ng stray bullet pero nasa maayos naman na kalagayan sa ospital ang driver,” aniya pa.

Sabi pa ng opisyal ng PNP, “I have instructed the chief of police of Mandaluyong to take care of all the needs of the victim.”

Samantala, sumailalim gad ang aktor at boyfriend ng beauty queen-actress na si Kylie Verzosa sa medical examination para malaman ang health condition nito. Wala pang inilalabas na report ang PNP kung nakainom nga ba ang binata nang maganap ang insidente.

Sasailalim din sa inquest proceeding si Jake dahil sasampahan siya ng Mandaluyong Police ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property.

Nabanggit din ni Gen. Bacay sa panayam ng GMA na wala namang nakuha na anumang ilegal na bagay sa loob ng sasakyan ng aktor.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Wala pang opisyal na pahayag si Jake hinggil sa nasabing insidente. Agad naming ilalathala ang magiging paliwanag ng aktor para sa mas ikaliliwanag ng kaso.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending