Andrea epektib na kontrabida: Pero ako yung laging nabu-bully sa school, tinatawag nila akong higad
Andrea Brillantes
SINAGOT ng Kapamilya young actress na si Andrea Brillantes ang ilang “assumptions” sa kanya ng madlang pipol, kabilang na ang pagiging “retokada” at “suplada”.
Game na game na binasa at nireplayan ng dalaga sa bago niyang YouTube vlog ang ilang mensahe ng mga netizens tungkol sa kanyang itsura, ugali at personal life.
Ipinagdiinan ni Andrea na never pa siyang sumailalim sa beauty enhancements o anumang cosmetic surgery. Natural daw lahat ng nakikita sa kanyang mukha at katawan.
“Hindi po ako retokada pero thanks for thinking that. Ibig sabihin may maganda sa mukha ko para maisip niyo na retokada ako.
“Kung titingnan n’yo rin naman ‘yung mga baby pictures ko, kung iisipin n’yo na peke ‘yung ilong ko, pero tumubo lang itong bridge ko noong ‘Kadenang Ginto’.
“Kasi manas na manas ‘yung mukha ko dati at doon ako nagsimulang pumayat. Tsaka nagma-mature kasi talaga ang mukha,” paliwanag ng isa sa mga lead stars ng Kapamilya series na “Huwag Kang Mangamba.”
Nilinaw din ni Andrea ang issue tungkol sa pagiging bully. Kung kontrabida raw siya noon sa seryeng “Kadenang Ginto” bilang si Marga, sa totoong buhay daw siya ang inaapi-api sa school.
“Ako ‘yung nabu-bully lagi sa school. Lagi nilang tinatawag na higad ako, kasi nga sa kilay ko, tsaka kasi ako ‘yung pinakamaliit.
“Wala akong friends, as in pagpasok ko pa lang sa school, nursery pa lang, wala na akong friends. Hindi nila ako sinasali sa laro nila, lagi lang akong nasa corner. Ako ‘yung ganu’ng bata dati,” pahayag ng young actress.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit tahimik lang siya lagi at palaging umiiwas sa mga tao kaya raw siguro lagi siyang nasasabihan nf “maldita” at “suplada.”
“Ang dami talagang taong nagsasabi na suplada ako. Dati kasi sobrang mahiyain ako. Kasi nga ‘di ba ako ‘yung laging hindi pinapansin, ako ‘yung laging nasa sulok lang, ako ‘yung laging binu-bully so hindi ako namamansin ng mga tao kasi feeling ko lahat sila aawayin lang ako.
“Pero ngayon winork out ko na ‘yung personality ko kasi nami-misinterpret ‘yung pagiging mahiyain ko sa pagiging maldita.
“Yung wall ko medyo bine-break ko na siya. Kahit maraming masamang tao hindi dapat ‘yun maging dahilan para baguhin mo ‘yung pagiging mabait mo,” dagdag pang paliwanag ni Andrea.
Nilinaw din ng dalaga sa isang bahagi ng kanyang vlog ang isyu na wala raw siyang masyadong kaibigan sa showbiz industry.
“Lumaki naman talaga akong walang friends. Hindi lang kasi importante sa akin na marami akong kaibigan. Kasi nga believe it or not, alam ko alam niyo naman na maraming plastic sa showbiz,” sey ni Andrea.
Ibinahagi pa ng young actress na may ilang kaibigan din naman siya sa showbiz, kabilang na nga riyan ang ka-loveteam niyang si Seth Fedelin.
“Meron akong friend, si Seth, duh! Ha-hahaha! So I’m not lonely. Tsaka kasi hindi lang talaga ako ma-post na lumalabas kami kasama nito, kasama ni ganyan,” sabi pa ni Andrea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.