Bwelta ni Janno sa basher: Parang gusto ko na ngang tumakbong President!
Janno Gibbs
UMAPELA sa gobyerno ang TV host-comedian na si Janno Gibbs hinggil sa pagpapatupad ng bagong sistema sa COVID quarantine protocols sa Metro Manila.
Ngayong araw na magsisimula ang pilot implementation ng “alert level system” kapalit ng ECQ (enhanced community quarantine), MECQ (modified enhanced community quarantine), MGCQ (modified general community quarantine), at GCQ (general community quarantine).
Sa bagong sistemang ito (depende sa dami ng COVID-19 cases at healthcare system capability), Level 5 ang pinakamahigpit, at Level 1 naman ang pinakamaluwag. At dahil mataas pa rin ang bilang ng COVID-19 cases sa National Capital Region, isasailalim ang rehiyon sa Alert Level 4.
May mga sang-ayon sa bagong sistemang ito ngunit marami rin ang kumokontra. Ilang netizens naman ang nagtatanong kung mas magiging epektibo kaya ito kesa sa dating ipinatutupad ng pamahalaan?
Pero may apela naman si Janno sa mga opisyal ng gobyerno tungkol sa pagpapatupad ng bagong alert level system. Nag-post siya ng isang photo message para mas maging maliwanag ang sistema.
Aniya, “Sana may data ng:
“1) Ilan infected sa bawat lugar. Para wag madamay sa lockdown ung wala naman infected.
“2) Saan at paano nakuha nung infected. Sa party, trabaho, public transport, resto, gym? Para maiwasan.
“Sana wala na lockdown. Maging Super strict nlang sa safety protocols.”
Ang caption naman ni Janno sa post na ito ay, “Sana.”
Sinang-ayunan ito ng karamihan sa kanyang IG followers pero may isang netizen ang nambasag sa komedyante at nagsabing tumakbo na lang daw siya sa 2022 elections at baka makatulong pa siya sa sambayanang Filipino.
Ipinost ni Janno sa kanyang Instagram Stories ang screenshot ng komento ng netizen, “@jannolategibbs Yun nga tumakbo ka baka malaki maitulong moh sa bayan.
“Maitama moh mga maling napuna moh sa ginagawa ng gobyerno. Baka mas maganda idea mo sa kanila.”
Ito naman ang reply ni Janno sa kanya, “Parang gusto ko na nga tumakbo for Pres! (laughing in tears emojis).”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.