Target ni Tulfo by Mon Tulfo
SA front page ng pahayagang Tribune noong Biyernes, ay ang article tungkol sa lolo ni Noynoy Aquino, Benigno Aquino Sr.
Si Benigno Aquino Sr., tatay ng martir na si Ninoy Aquino, ay isang “Makapili” daw noong panahon ng Hapon.
Ang Makapili ay isang grupo ng mga Pinoy na panig sa mga Hapon.
Ang Makapili ay yung mga taong nakasuot ng bayong sa kanilang ulo at itinuturo yung kanilang mga kababayan na pinaghihinalaang gerilya.
Maraming Pinoy na pinatay ng mga Hapon dahil sa pagtsotso ng mga Makapili.
Sinabi ng Tribune na si Benigno Sr. ay miyembro ng Philippine puppet government.
Eh, ano naman kung Makapili man o miyembro ng puppet government ng Japan ang lolo ni Noynoy?
Ang kasalanan ba ng ama o lolo ay dapat ibunton din sa mga anak o apo?
Ano naman ang kinalaman ni Noynoy sa kasalanan ng kanyang lolo, kung totoo man na ito ay naging Makapili?
Hindi ako maka-Noynoy (ako’y saradong para kay Dick Gordon para sa pagka-Pangulo ng Pilipinas) pero foul ang ikinakalat ng mga kalaban niya sa politika tungkol sa kanyang lolo dahil hindi pa siya buhay noong panahon ng Hapon.
Maaaring saklot sa politika ang isyu ng personalidad ng isang kandidato, gaya ng pagiging babaero o ang kanyang mental health.
Ang mga isyung nabanggit ay may kinalaman sa morality or competence of a candidate for an elective position.
Pero por Diyos por santo naman, huwag nang idamay ang kasalanan ng mga ninuno ng isang kandidato kahit na totoo ito!
* * *
Walang ipinag-iba yan na sisihin mo ang isang tao sa kanyang pagiging bastardo o bastarda, yung mga tinatawag nilang anak sa labas.
May mga ilang Catholic schools na hindi tumatanggap ng mga bastardo o bastarda.
Bakit, kasalanan ba ng isang bata na hindi kasal ang kanyang mga magulang?
Huwag sanang maging ipokrito ang ilang Catholic schools dahil maraming mga pari na may mga anak sa labas.
* * *
Kagaya na lang ng kaso ni Maria Venus Raj na inalisan ng korona bilang Binibining Pilipinas-Universe dahil ang tatay niya ay hindi Pinoy.
Kasalanan ba ni Venus na ang kanyang ama ay isang Bombay at ipinanganak siya sa Qatar ?
Ang kanyang ina naman ay isang Pinay na nagtrabaho sa ibang bansa at siya’y lumaki sa Pilipinas.
Bakit sisihin si Venus sa kasalanan ng kanyang mga magulang, kung kasalanan man ang umibig?
* * *
Ako’y isang lalaking haliparot.
Yan ay isang pag-amin with all humility.
Dahil sa aking pagiging haliparot, may ilan akong mga anak na bunga ng pag-ibig sa iba’t ibang babae.
Noong administrasyon ni Pangulong Cory, may batas na ipinasa na hindi puwedeng gumamit ng pangalan ng kanilang ama ang mga batang ipinanganak without the benefit of marriage by both parents.
Ganoon na lang ang galit ko kay Pangulong Cory dahil may ilan akong anak na hindi puwedeng gumamit ng aking apelyido.
Para niyang sinisisi ang mga bata na ipinanganak sa pag-ibig.
Nawala lang ang galit ko kay Tita Cory nang ipinanganak si Joshua na bunga ng pag-iibigan nina Kris at Phillip Salvador.
Nasabi ko sa aking sarili: Patas!
* * *
Sino itong opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na nakipag-dinner sa mga kamag-anak ng isang presidential candidate sa isang Japanese restaurant?
Ang mas kahina-hinala sa kanilang dinner ay nasa private function room sila.
Tsk, tsk, tsk!
Pare, mahiya ka naman dahil dapat ay hindi ka nakikita sa publiko kasama ang mga taong may koneksyon sa mga kandidato!
Kung official ang pinag-usapan ninyo noong mga kamag-anak ng presidential candidate, dapat ay ginawa ninyo ito sa iyong opisina.
Bandera tabloid, Philippine news 041310
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.