K Brosas napaiyak sa napurnadang dream house, grabe ang panic attack: Masakit, kasi ang tagal kong nagmakaawa…
K Brosas
NAPAKASAKIT ng iyak ng singer-comedienne na si K Brosas nang magkuwento tungkol sa kasong isinampa niya laban sa contractor ng kanyang dream house.
Hindi napigilan ng komedyana ang sarili na maging emosyonal habang ibinabahagi sa ilang miyembro ng entertainment media ang masaklap na karanasan sa pagpapagawa ng kanyang bahay.
Matinding anxiety at panic attacks daw ang naramdaman niya nang malaman ang ginawa ng mga taong pinagkatiwalaan niya sa pagpapatayo ng pinangarap niyang bahay.
“Hindi ko na po alam kung nasaan na yung contractor ng bahay ko. Na-stress ako at nagka-panic attack na ako dahil sa kanya. One year na ako nakikipag-usap sa kanila na baka kung puwede isauli na lang yung pera pero walang nangyari,” bahagi ng pahayag ni K Brosas sa virtual chikahan niya with the press kahapon.
Talaga raw nanlumo ang komedyana nang makita ang inabandonang construction ng kanyang bahay na matatagpuan sa Quezon City, “Binisita ko yung bahay na ipinagagawa ko after the pandemic. Nanghina ako noong nakita ko yung property, hindi ko alam kung anong nangyari, kung bakit nagkaganu’n.”
Umabot sa P7 million ang nailabas niya para sa nasabing bahay at cash daw niya itong ibinigay sa contractor pero halos 35 percent pa lang daw ang natatapos.
“Pinag-ipunan ko yun at wala akong loan. Pamana ko dapat sa anak ko yung house. Napakasimple lang po ng bahay, wala pong swimming pool, para sa amin lang po ng anak ko. Ang pinaghandaan ko lang po du’n, ‘yung walking closet, tapos ‘yung mala-spa ng banyo. ‘Yun lang.
“Tapos, puro pangako. So, ‘yung anxiety disorder ko, nag-peak. Tapos, siyempre, mga naging kaibigan mo kaya mas masakit.
“Masakit kasi, ang tagal kong nakiusap, ang tagal kong nagmakaawa pero walang nangyari. Kailangan talagang umabot sa ganito, kasi parang wala nang respeto,” umiiyak nang pahayag ni K.
Hindi pinangalanan ng singer ang idinemandang contractor, pero aniya inirekomenda ito ng kanyang kaibigan, “But I would like to point out that my friend has nothing to do with it.
“Now I am back to zero at nag-iipon na naman uli ako para maipagawa ko na ang bahay ko,” aniya pa. Kumuha na raw siya ng bagong contractor na siyang magpapatuloy sa construction ng kanyang dream house.
Kung may isang aral na natutunan si K Brosas sa nangyari, “These days, I always seek the help of lawyers. Dati hindi ako mahilig makipag-usap sa mga abogado. Pero this time, lahat ng galaw ko lalo na sa career, dinadaan ko na sa abogado.”
Payag ba siya na makipag-settle sa mga taong kinasuhan niya? “Bahala na ang mga lawyer ko kung paano nila dapat ayusin ang problem na ito.”
Samantala, nagpapasalamat naman si K Brosas sa Cornerstone talent management ni Erickson Raymundo dahil hindi ito nagkulang sa pagsuporta at pagtulong sa kanya.
Super thankful din siya sa Cornerstone at kay Lord dahil sa gitna ng pandemya ay marami pa ring blessings na dumarating sa kanya tulad ng mga regular show niya sa TV5, tulad ng noontime show na “Lunch Out Loud” at reality singing competition na “Sing Galing!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.