Kahit ayaw na sa taga-showbiz, DEREK sumugal pa rin kay CRISTINE
Walang kasingligaya ngayon si Derek Ramsay. Hindi na kailangan pang tanungin ang simpatikong hunk actor kung saan nanggagaling ang kaligayahang nararamdaman niya ngayon.
Sa kahit anong anggulo ay nakarehistro ang pagiging masaya ni Derek, lumulundag ang kanyang puso, ang nagagawa nga naman ng pag-ibig.
Sariwa pa ang kanilang relasyon ni Cristine Reyes, bubot na bubot pa kung tutuusin, pero bentahe ng kanilang relasyon ang pagiging magkaibigan muna nila bago nabuo ang relasyong pinanghahawakan nila ngayon.
Ramdam na ramdam namin ang kiliting bitbit ng pakikipagmahalan sa boses ni Derek habang nagkukuwento siya, para kaming nakikipag-usap sa isang teenager na nu’n pa lang nakatikim magmahal, iba talaga ang ligayang hatid na siyempre’y idinidikta ng puso.
“It just came. Naramdaman ko na lang na naiilang na ako sa kanya. Dati kasi, I was free to hold her hands, naaakbayan ko siya, nagagawa ko ang paglalambing sa kanya.
“Pero one time, iba na ang feeling ko, parang naiilang na ako sa kanya, ibang-iba na. When I told her about it, I was surprised but happy, ganu’n din pala ang nararamdaman niya sa akin,” dumudugudog ang pusong kuwento ng maginoong aktor.
Palagi namang ganito ang pagsisimula ng isang relasyon. Masayang nagkukuwento ang magkapareha, nangangako ng langit at lupa sa bawat isa, pero isang araw ay mabibigla na lang tayo dahil ang dating mainit na pagmamahalan ay mapakla at maasim na pala.
Nagbitiw nu’n ng salita si Derek Ramsay na hanggang maaari ay ayaw na muna niyang makipagrelasyon sa isang artista, kinain ng aktor ang kanyang sinabi, dahil mula sa nasira nilang relasyon ni Angelica Panganiban ay heto na si Cristine Reyes.
“That’s true. But with Cristine, it’s worth the risk,” paninindigan ng hunk actor.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.