Baron Geisler: Nawalan ako ng Diyos...feeling ko kasi ako yung pinakamagaling | Bandera

Baron Geisler: Nawalan ako ng Diyos…feeling ko kasi ako yung pinakamagaling

Therese Arceo - September 09, 2021 - 11:36 PM

BARON GEISLER

ISA si Baron Geisler sa mga sikat na aktor mula 1990s at nakilala sa iba’t ibang karakter na kaniyang ginampanan sa pelikula at telebisyon.

Matapos matanggap sa audition ng “Ang TV” ay naging tuloy-tuloy ang naging pagsikat ni Baron at mabilis niya ring minahal ang pag-aartista. Para sa kanya ay isa itong hobby na talagang nae-enjoy niya.

“Okay naman ‘yung pamilya namin pero at the age of 16 nakabili na ako ng sariling sasakyan galing sa sarili kong pera. At the age of 21 naman meron na akong multi-million mansion, ‘yung kwarto ko may sariling bathtub, meron akong apat na kotse. So age 21, nakakalaki naman talaga ng ulo na you have everything, so you feel like the king,” paglalahad ni Baron sa panayam niya sa “Stories of Hope”.

Ngunit sa kabila ng marangyang buhay na kaniyang tinatamasa ay natuto rin siyang maging rebelde at unti-unti, naligaw na siya ng landas at nagsimula nang magkaroon ng bisyo.

“’Yung mga magulang ko napaka-strict. Mahilig mamalo si Mommy, so nung time na ‘yun I just wanted to get out of the house. And then may time nung high school, hindi ako pumasok ng 2 months kasi may rebellious behavior din ako or character.

“Nagbilyar ako, sinamahan ko yung mga bad crowd, hanggang sa napasok ako sa frat, nagsimula na akong uminom, ‘yun na. Nagsimula ‘yan with bad company.” kuwento pa ng aktor.

Dito nga naging marahas at mainitin ang ulo ng aktor sa mga tao sa kaniyang paligid, maging sa mga taong malapit sa kanya na naging dahilan kaya madalas itong mareklamo at masangkot sa iba’t ibang kontrobersiya.

“Ginagawa ko pa nu’n sa driver ko kapag nagkamali sinusuntok ko rin at saka dinuduraan ko sa mukha. Feeling ko, ako na. Parang ako yung Diyos. Parang ganu’n,” saad niya.

Labis naman ang naging pagsisisi ng aktor sa lahat ng maling nagawa nito at humihingi ito ng tawad sa lahat ng mga taong nasaktan nito at naagrabyado.

“Pero hanggang ngayon pala naiisip ko yung pagmamaltrato ko sa mga kasambahay namin lalo na sa mga driver at boy namin. Sana mapatawad nila ako.

“Hanggang ngayon pinagsisisihan ko yung mga opportunities na na-waste,” paumanhin nito.

Alam naman ng aktor na walang ibang responsable sa mga hindi magandang nangyari sa kanya kundi ang kanyang sarili ngunit ang lahat ng kanyang inasal ay mayroon palang malalim na pinanggagalingan.

“Pero may pinanggagalingan yung self-destruction na ‘yan kasi may void sa puso ko eh, may pagkukulang so kino-compensate ko sa mga bagay-bagay either be pambababae, it could be alcohol, drug material thing.

“Nawalan ako ng Diyos, wala akong guidance, wala akong wisdom from the Holy Scripture, wala akong fellowship kasi, bro wala akong kaibigan, dahil feeling ko noon ako yung pinakamagaling,” kuwento ng aktor.

Ilang beses ring ipinasok sa rehabilitation center si Baron ngunit sa tuwing makakalabas ito ay bumabalik pa rin ito sa dating bisyo.

Sa ikapitong pagpasok sa rehabilitation center na mas nakilala ng aktor ang kaniyang sarili at dito niya na hinarap ang mga pagkakamaling nagawa niya sa sarili at sa ibang tao.

“Noong tinanggap ko ‘yun at hinarap ko sya na ‘eh ako ‘yun eh’, wala na akong magagawa pero kahit na gaano ako karumi sa paningin ng tao o kahit sa sarili ko, there will always be that loving and kind God who will embrace me and forgive me as long as I turn back from my sin, meaning to say If I really repent,” kuwento niya.

Isa sa mga naging instrumento ng tuluyang pagbabago ng aktor ay ang kaniyang asawa na si Jamie Evangelista.

Para sa kaniya, parehas silang nakakuha ng refuge sa isa’t isa.

“Ako naman talagang halos ma-obsess ako sa kaniya kasi meron siyang parang maternal instinct na at that time I needed kasi kakamatay lang ng nanay ko. Siguro yun yung pinadala ni God sa akin,” dagdag pa niya.

Nag-meet ang dalawa sa rehabilitation center kung saan isang psychologist si Jamie. Kuwento ni Baron, isang linggo na lang ay gagraduate na siya kaya inaya niya ito na mag-tsaa tueing umaga. Doon na nga sila nagka-developan at ngayon ay kasal na sila.

Biniyayaan sila ni Jamie ng isang munting anak na pinangalanan nilang si Baby Talitha Cumi na ang ibig sabhin ay ‘little girl arise’.

Ang anak ang nagsisilbing liwanag sa kanilang pamilya dahil lagi itong nakangiti at talaga namang nakakatanggal ang little girl nila ng stress.

Naging inspirasyon rin ni Baron ang anak sa kaniyang tuluy-tuloy na pagbabago dahil para sa kanya, paano ito makikinig kung makakarinig ito ng mga negatibong kuwento ukol sa ama.

Ngayong naging tatay na siya ay mas naintindihan na niya na para sa kanyang sariling kapakanan rin ang lahat ng ginagawa noon ng kaniyang mga magulang at sana raw ay nakinig ito noon sa magulang dahil wala na ang mga ito ngayon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Lubos ang pasasalamat niya sa mga patuloy na sumusuporta at nagtitiwala matapos ang nangyari at ayaw niya nang dumating ang panahon na bumitiw ang mga ito o mawalan ng pag-asa sa kaniya kaya ginagawa nito ang lahat pra hindi bumalik sa madilim na nakaraan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending