Hugot ni Coco: Yan ang Filipino, marunong tumanaw ng utang na loob!
Coco Martin at Julia Montes
WAGAS ang pasasalamat ni Coco Martin sa lahat ng Filipino na patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa Kapamilya action series na “FPJ’s Ang Probinsyano”.
Pinaghahandaan na ngayon ng Teleserye King at ng buong production ng “Probinsyano” ang makasaysayang ikaanim na taon ng programa ngayong Setyembre.
“‘Yan ang Filipino. Marunong tumanaw ng utang na loob kung ano man ang ibinigay sa ‘yo at kung anuman ang ginawang maganda sa ‘yo. At mahirap kalimutan ‘yun. Habangbuhay kong tatanawin ng utang na loob. Maraming salamat po,” pahayag ni Coco.
Inimbitahan din ng aktor, na nagsisilbing isa sa mga direktor at creative head ng serye, ang mga manonood sa buong mundo na abangan ang bagong kwento at mga bagong karakter, kung saan makakasama ang bagong leading lady niyang si Julia Montes.
“Sisiguraduhin naming mas magiging kaabang-abang, mas maganda, mas maaksyon, mas madrama. Sisiguraduhin po namin na hindi po namin kayo bibiguin. Maraming, maraming salamat po sa lahat ng inyong suporta at pagmamahal na ibinibigay sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano,” sabi ni Coco.
Sa pagpapatuloy naman ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ngayong linggo, isang malaking misyon ang kailangang pagtagumpayan nina Cardo, Lia (Jane de Leon), at ang buong Task Force Agila dahil kahit nagdadalamhati, lulusubin nila ang kampo ni Vera (Simon Ibarra) para bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid ni Lia na si Audrey.
Samantala, nagkakagulo naman sa Palasyo dahil matagumpay na nakatakas si Presidente Oscar (Rowell Santiago) at hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam sa kanyang kinaroroonan. Kailangan namang mag-unahan nina Renato (John Arcilla) at Lily (Lorna Tolentino) na mahanap ang tunay na presidente dahil kung hindi ay malalagot ang mga plano nila.
Huwag palampasin ang “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel.
* * *
Isyu man sa ghosting, online bashing, at iba pang kalokohang ‘di dapat palampasin, handa nang tumulong ang Kapamilya host na si Amy Perez sa mga nagnanais pag-usapan at tapusin ang kanilang alitan nang harapan sa “Amy-nin: Deserve Mo ‘Yan.”
Mapapanood ang bagong virtual sumbungan ng FYE channel sa kumu tuwing Martes at Huwebes, 4:30 p.m. simula Aug. 24.
Bibigyang pagkakataon ni Tyang Amy ang mga taong kasali sa usapin na ilahad ang kanilang mga hinanakit o ipatindi ang kanilang mga dahilan. Sa pamamagitan ng mga payo ng host at kumunizens, uudyukan din sila na iresolba ang kani-kanilang isyu, humingi ng paumanhin, o magpatawad.
Asahan na ang matitinding talakayan sa usaping pag-ibig at pangangaliwa, panggagantso, at iba pa sa pagsisimula ng “Amy-nin” para rin magbigay-linaw at gabay sa mga manonood.
Si Amy na nga ang pinakabagong Kapamilya artist na kasama na rin sa FYE channel family.
Magsisimula na ang “Amy-nin: Deserve Mo ‘Yan” sa Martes (Aug. 24), 4:30 p.m..
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.