Bilang ng gutom tataas dahil walang bigas
PATULOY na tumataas ang presyo ng bigas sa bansa. Umabot na sa P5 kada kilo ang itinaas nito.
Sinisisi ni Agriculture Secretary Proceso Alcala ang nangyayaring pagtaas sa pagho-hoard ng ilang nananamantalang negosyante. At iginiit din niya na wala namang kakulangan sa bigas sa bansa at sapat pa rin ang nakaimbak na bigas ng NFA.
Feeling lang ng iba na kulang lang ang bigas dahil nga raw sa lean months ngayon. Ibig sabihin hindi kasi kapanahunan ng anihan mula Hunyo hanggang Setyembre. At posibleng masolusyunan lang ito ngayong papasok ang buwan ng Oktubre dahil magsisimula na naman ang anihan ng palay.
Hindi naman maamin ng DA at NFA na may pagkukulang sila kaya’t nararanasan ng bansa ang ganitong problema. Taun-taon namang nararanasan ang lean months sa bigas at dahil dito umaangkat ng bigas ang gobyerno sa ibang bansa para matugunan ang inaasahang kakulangan.
Tatlong taon na si Alcala sa DA pero parang naninibago pa rin siya dahil sa hindi masolusyunan ang problema sa bigas. Kung totoong maraming nakaimbak na bigas ang NFA, dapat ay pinakalat na ito sa iba’t ibang lugar partikular sa Metro Manila para maiwasan ang ginagawang hoarding ng bigas at maiwasan ang pagmamanipula ng mga gahamang negosyatne na siyang dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas.
Bagamat sinasabi ng gobyerno na hinahabol na nito ang mga sangkot sa hoarding, duda naman ang mamamayan kung may mapapanagot talaga ang gobyerno.
Sa ganitong sitwasyon, ang tanging magagawa lamang ng mga ordinaryong Pinoy ay tiisin ang pagtaas ng presyo ng bigas at pilitin mapagkasya ang kanilang pera para makaraos sa araw-araw. At para sa hindi makabili ng bigas, inaasahan na natin na mas marami ang magugutom sa ikatlong bahagi ng 2013 na hindi magiging kataka-taka at hindi rin maaaring kontrahin ng Malacanang.
Tinanggap na ni PNOY ang irrevocable resignation ni NBI Director Rojas bagamat noong una ay inirekomenda pa ni Justice Secretary Leila de Lima na huwag itong aprubahan.
Isinama na ring dahilan ni Rojas ang kanyang kalusugan para hindi na siya mapigilang umalis. Iilan lamang ba sa gobyerno ang may delicadeza na magbitiw lalu na’t binabanatan ang ahensiyang pinamumunuan ng mga naturang opisyal.
Sa kaso ni Rojas, sa harap ng ginagawang imbestigasyon ng NBI hinggil sa anomalya sa pork barrel scam, sari-sari rin ang ibinabatong isyu laban sa ahensiya. Ang dahilan nga ng pagbibitiw ni Rojas ay ang alegasyong may hudas sa kagawaran kayat nakapagtago ang sinasabing utak ng P10 bilyong pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles bago pa man ipatupad ang warrant of arrest laban sa kanya.
Sa pag-alis ni Rojas sa NBI, inaantay pa rin ng publiko na matapos ang imbestigasyon na isinasagawa nito sa pork barrel scam. Habang hinihintay ang kapalit ni Rojas, si de Lima muna ang pansamantalang inatasang mangasiwa nito. Bagamat, tiniyak naman ng Malacanang na tuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng NBI, umaasa ang publiko na matapos na ang imbestigasyon at makasuhan na ang dapat kasuhan sa anomalya sa paggamit ng pork barrel.
Isa na namang reklamo ang ipinarating ng isang reader ng Bandera mula sa Panglao, Bohol. Ayon sa reklamo, talamak ang ilegal na droga sa lugar, partikular ang shabu at marijuana. Sa kabila ng operasyon ng droga, hindi naman kumikilos ang mga pulis para mapigilan ito.
Anya pa, nagbubulag-bulagan at pabaya ang mga pulis kayat walang mahuli. E, ano nga ba ang ginagawa ng ating mga pulisy diyan at maging ng mga miyembro ng PDEA. Aba! umaksyon naman kayo.
Dahil nga sa talamak na operasyon ng droga diyan, hayun kaliwa’t kanan din ang nakawan. Ano ba, paabutin pa ba natin yan sa PNP National headquarters. Attention PNP Chief Purisima!
May komento o reaksyon ba kayo? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.