Neil sa most romantic part ng kasal nila ni Angel: Nu’ng sinabi po na, ‘You’re now man and wife’
Angel Locsin at Neil Arce
BALAK pa rin ng celebrity couple na sina Angel Locsin at Neil Arce na ituloy ang una nilang plano na magkaroon ng mas malaki at medyo bonggang wedding.
Dito raw nila balak na ibuhos nang bongga-bongga ang kanilang wedding vows kaya naman looking forward na sila sa pagtatapos ng pandemya at sa pagbabalik ng old normal.
Mahigit isang linggo makalipas ang kanilang intimate at napakasimpleng civil wedding, inamin ng mag-asawa na parang nasa cloud 9 pa rin sila hanggang ngayon.
Sa panayam ng “Rated Korina” sa bagong kasal, natanong sila kung ano para sa kanila ang most romantic part ng kanilang civil wedding.
Sagot ni Neil, “Nu’ng sinabi po na, ‘You’re now man and wife,’ the reality will hit you. Ako kasi, yung na-feel ko noon was excitement, ‘Okay, it’s the start of a new life with Angel.'”
Naikuwento naman ni Angel na talagang pinlano nila ang big celebration para sa kanilang kasal ngunit hindi talaga sila binigyan ng pagkakataon na maisagawa ito dahil patuloy pa rin ang banta ng pandemya.
“We were supposed to go to Finland for our pre-nup. Pero dahil nga na-declare na mag-ECQ tayo nu’ng first ECQ pa, kailangan namin i-consider yung safety ng lahat and kung makakabalik ba kami ng Pilipinas. Baka mag-stay tayo doon, tapos hindi natin alam kung kailan tayo babalik.
“And then ito, bago rin tayo mag-declare ng third ECQ din, paalis din kami dapat for Spain naman for pre-nup. Kaya lang, hindi rin natuloy kasi nagka-Delta variant,” paliwanag ng TV host at aktres.
Ngunit sa kabila nito, nanatiling positibo ang pananaw nina Angel at Neil. Sey ng aktres, nang dahil sa pandemya, nagkaroon sila ng mas maraming oras sa kanilang pamilya at sa pag-aayos ng kanilang love nest.
“Yung mga travels lang yung nahirapan. Actually for me, mas nakatulong kasi nagkaroon kami ng time to prepare. Naayos namin yung bahay na lilipatan namin.
“Nagkaroon ako ng maraming time with my family, siya rin sa pamilya niya. Nasulit naman namin yung mga panahon na hindi pa kami kinakasal,” pahayag pa ng Kapamilya actress.
Samantala, sinabi nga ni Neil na umaasa pa rin sila na darating ang tamang araw na maisasagawa nila ang una nilang wedding plans.
“Hindi pa namin binibitawan yung vows namin. Simple vows lang muna na, ‘till death do us part.’ Mga ganun lang muna. Pero yung personal vows, doon sa main wedding po namin sa Christian wedding,” pahayag ni Neil.
Sa bagong vlog ng mag-asawa, ibinahagi nila ang ilang detalye sa naganap na civil wedding at ang preparasyong ginawa nila sa paglipat sa bago nilang bahay.
“Hindi talaga namin siya naisama sa plano pero dahil ni-request niyo. Gumawa kami ng paraan para ma-share ang civil wedding,” chika ng aktres sa nasabing YouTube vlog.
“Siyempre, hindi naman namin naimbita lahat nu’ng mga tao. Nu’ng time na iyon, bumabagyo pa. Surprisingly, yun lang yung araw na umaraw,” aniya pa.
Sey naman ni Neil, “Tapos nanalo ng gold si Hidilyn (Diaz, sa Tokyo 2020 Olympic Games). Iyon yung topic namin habang kumakain. ‘Uy! Nanalo ng gold si Hidilyn!'”
Patuloy na sabi ni Angel, “Kung anuman yung nangyari sa wedding na ito is may personal touch namin talaga. It’s very intimate, it’s very simple, it’s very us, di ba?”
Naikuwento rin ni Neil ang tungkol sa naging eksena nila ng asawa habang patungo sila sa venue ng kasal, “Siguro perfect description ng pagkasimple ng wedding, kami lang siguro yung bride and groom na pumila sa elevator bago ikasal.
“May pila yung elevator noon, siyempre, apat-apat lang (ang puwede sa loob). Pandemic na iyon. Dala-dala niya yung bouquet niya. Pumipila kami ng elevator hanggang sa turn na namin umakyat,” chika ni Neil.
Hirit naman ni Angel, “Pinaka-perfect sigurong description ng wedding namin is simple pero rock.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.