Pokwang minsan na ring kinuwestiyon si Lord: Sabi ko sa Kanya, bakit Mo ginawa sa akin ‘to?
Lee O’Brian, Malia, Pokwang
INAMIN ng Kapuso TV host at comedienne na minsan na rin niyang kinuwestiyon ang Diyos noong panahong sunud-sunod ang pagdating ng mga pagsubok sa kanyang buhay.
In fairness, hindi lang pang-Maalaala Mo Kaya o Magpakailanman ang makulay at madramang life story ni Pokey, o Marietta Subong sa tunay na buhay, pwede rin itong gawing pelikula dahil sa dami ng highlights at mg aral na mapupulot.
Hanggang ngayon ay iniiyakan pa rin ng komedyana ang mga madadramang tagpo sa kanyang buhay na nagsilbing inspirasyon niya para mangarap at magsikap sa buhay at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya.
Sa nakaraang episode ng “Tunay Na Buhay” naibahagi ni Pokey ang makadurog-pusong eksena noong mamatay ang anak na lalaki habang nagtatrabaho siya sa Abu Dhabi ilang taon na ang nakalilipas.
Nalaman niya na may brain tumor ang anak at hindi naka-survive sa operasyon, “Sabi ko, Lord, kung talagang hanggang doon na lang, kaysa nahihirapan siya. Sabi ko, sa murang edad niya, sa napakabata niyang katawan, salamat pinahiram niyo siya sa akin.”
At noong nagpaalam daw siya sa kanyang employer ay hindi siya pinayagan, kailangang tapusin muna niya ang kontrata at kung uuwi siya ay siya ang gagastos sa pamasahe niya.
Ang problema, walang-wala rin siya noong panahong yun. Dito na nga niya naisip na parang pinabayaan na siya ng Diyos.
“Nakuwestiyon ko Siya. Sabi ko, bakit Mo ginawa sa akin ‘to? Meron po ba akong pagkukulang sa ’yo at sa kapwa ko? Sa pagkakaalam ko po wala. Kinuwestiyon ko siya which is hindi dapat,” pag-amin ng komedyana.
Na-realize naman daw niya later na ibinigay sa kanya ang mga pagsubok na yun para mas patatagin pa siya sa buhay.
Samantala, nabanggit din ni Pokwang na bago pa siya magtrabaho sa Abu Dhabi ay nag-work muna siya sa Japan bilang entertainer. Nagtinda rin siya noon sa kalye at sa labas ng simbahan at naging kasambahay para matustusan ang pag-aaral.
Pang-siyam siya sa 12 magkakapatid kaya talagang kumakayod din siya para makatulong sa pamilya.
“Noong araw ‘yan sa Hinulugang Taktak (sa Antipolo) nagtitinda kami diyan ng softdrink, ng mga kakanin. Kung ano yung mga panghanapbuhay, pangsapin na diyaryo. Sa simbahan naman, magtitinda kami ng sampaguita, suman, kasoy,” pagbabalik-tanaw ng Kapuso comedienne.
“Namasukan din ako bilang kasambahay, wala akong suweldo. Pero pag-aaralin ako ng amo ko kasi yung amo ko titser din sa Rizal High School,” dagdag pa niyang kuwento.
Super happy na ngayon si Pokey sa kanyang buhay kasama ang partner niyang American actor na si Lee O’Brian at biniyayaan din sila ng anak, ang three-year-old na ngayong si Malia. May isa pang anak si Pokwang sa dating karelasyon, si Ria Mae.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.