Jao Mapa na-turn on ba kay Rhen Escaño sa pelikulang ‘Paraluman’?
Napanood namin ang trailer ng sexy movie nina Jao Mapa at Rhen Escano na idinirek ni Yam Laranas produced ng Viva Films at Mesh Lab.
Minesage namin si Jao sa Instagram ng, “Gulat ako sa movie n’yo, sexy.”
“Napanood mo na?” balik-tanong sa amin ng aktor.
Sinagot namin na maganda ang trailer at masyadong bata ang leading lady niyang si Rhen. Tinanong namin kung hindi ba siya nahirapan sa love scenes dahil ayon nga sa pelikula, ‘parang tatay’ na siya ng aktres.
“Maganda pagka-shoot, Direk Yam ba naman eh. Mahirap noong una, pero I guess I’ve grown up and know how to treat a movie like this,” sey ni Jao.
Pareho pala kami ng iniisip habang magka-chat, ito ay ang naging karakter niya sa “Matrikula” noong 1997 ang pelikulang pinagsamahan nila ni Rosanna Roces.
Aniya, “Surreal nga parang Matrikula pero baligtad naman, ako ngayon ang guro. Ha ha.”
Tinanong namin kung gaano ka daring ang scenes nila ni Rhen at kung hindi ba niya inisip na bata ang kahalikan niya habang sinu-shoot nila ang “Paraluman”.
“Di naman. My main concern was that, I tend to drop my character dahil siguro, ngayon lang uli nakagawa ng full length film, direk had to keep on reminding me who my character is,” katwiran ni Jao.
Sa pelikulang “Matrikula” kami naging close ni Jao at maraming mga dahilan kung bakit habang pinapanood namin ang trailer ng “Paraluman” na may hawak siyang kamera ay napapangiti kami dahil malaking bahagi sa buhay at pag-aaral ng aktor ang camera.
Matino at hindi babaero si Jao, base sa pagkakatanda namin kaya diretsong tanong namin ay kung na turn-on siya kay Rhen lalo’t palaban siya pagdating sa hubaran sa mga nagawa na niyang pelikula tulad ng “Adan” at “The Other Wife”.
Na-imagine naming natawa si Jao sa sagot niyang, “secret, ikaw dapat humusga, hehehe, besides I haven’t seen it yet. I saw Rhen as a caliber actress, knows when to play hard professionally. She looks dedicated with her craft; I’m surprised how she handles herself on screen. Iba na talaga mga kabataan ngayon. Nagugulat ako.”
Habang ka-chat pala namin ng mga sandaling iyon si Jao ay nasa dubbing siya, “We’re schedule for dubbing as we speak.”
Ayon pa sa aktor ay masuwerte siyang nabigyan ng trabaho sa panahon ng pandemya dahil nga madalang sa tulad niyang character actor ang kaliwa’t kanang project.
“Blessings ang lahat ng ito kay Papa God, so blessed, I’m given a second chance. I was thrilled & excited when the role was offered to me,” sambit ng aktor.
Panahon ng pandemya ito ginawa sa Tanay, Rizal na paboritong location ni direk Yam dahil nga kaunti ang tao at masarap daw mag-shoot doon dahil tahimik at walang pakialam ang mga taga-roon.
Tianong naman namin ang aktor kung ano ang mga ginawa niyang paghahanda sa mga love scenes nila ni Rhen.
“Siyempre sinundan ko blocking ni direk. Si direk pa humawak ng camera sa mga love scenes, then we would run through it verbally with Rhen, then we take it. Surprisingly at maipagmamalaki take 1 lang sa mga love scenes,” kuwento ng leading man ni Rhen.
Hindi ba nag-selos ang wifey ni Jao sa leading lady niya?
“Supportive naman si misis, hindi mayayari ang pelikula without her blessing,” sagot kaagad nito.
Ayon kay Jao ay wala pang exact date ngunit sa Setyembre ang streaming ng “Paraluman” sa Vivamax.
Samantala, bukod sa “Paraluman” ay sinu-shoot niya ang period film na “1901 Balangiga” kasama sina Ejay Falcon, Richard Quan, Rob Sy, Jeffrey Santos, Ramon Christopher at marami pang iba.
Natapos na rin daw ang tatlong episodes niya sa series na “Puto” ni Herbert Bautista sa TV5 at may guesting siya sa “Imbestigador” sa GMA 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.