Angel, Neil magpapakasal pa rin sa simbahan; Dimples naging instant photog sa civil wedding
Angel Locsin at Neil Arce
HABANG sinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa kami sinasagot ni Angel Locsin kung kailan talaga ang petsa ng kasal nila ng asawang si Neil Arce.
Ayon sa aming napagtanungan ay sadyang hindi muna ni-reveal ng mag-asawa ang kanilang wedding date dahil mapapanood ito sa kanilang “The Angel and Neil Channel” sa YouTube na sinimulan nila sa “Lipat Bahay Gang” episode.
“May part 2 ‘yung Lipat Bahay Gang nila, abangan mo na lang,” sabi ng common friend namin ng aktres.
Dapat sana ay noong 2020 pa ang church wedding ng dalawa pero dahil sa COVID-19 pandemic ay hindi ito natuloy at ngayong first quarter ng 2021 sana itutuloy, pero hindi pa rin nawawala ang pandemya at nagkaroon pa ng enhanced community quarantine “season 3” kaya mas tumagal lalo.
Sa huling pag-uusap namin ni Angel ay nabanggit niya na kung matutuloy ang kasal nila ni Neil ay napakalimitado ng magiging bisita dahil nga sa health protocols na ipinatutupad
At dahil nag-lockdown na naman ang Metro Manila kaya naantala na naman ang kasal nina Angel at Neil kaya naman nagdesisyon na silang unahin ang civil wedding kung saan si Taguig City Mayor Lino Cayetano ang nag-officiate.
Kaya naman pawang miyembro ng bawa’t pamilya lang ang dumalo sa civil wedding at ang best friend forever at spokesperson nina Angel at Neil na si Dimples Romana kasama ang asawang si Boyet Ahmee na siya ring kumukuha ng mga larawan ng dalawa.
Punong abala rin sa pagkuha ng mga larawan ang ate ni Angel na si Ela Colmenares na talagang excited dahil gusto na raw niyang magkaroon kaagad ng pamangkin.
Caption ni Ela sa mga larawan at video na kuha niya sa kasal, “Mabuhay ang bagong kasal! Binantayan ko ang pinto ng room just in case may pipigil, haha! Love you both, @therealangellocsin & @neil_arce! Andito lang ang ate n’yo pag kelangan n’yo ng taga-alaga ng anak.
“Ang saya-saya! Welcome to the family, @neil_arce! Ingatan mo sisterette ko. Yung natuloy din kahit sa gitna ng pandemya! Kahit tayo-tayo lang sa wedding n’yo, ang importante masaya kayo at prepared sa bagong yugto ng buhay nyo.
“So happy for you, Angel & Neil! Sana magkaron na ko ng mga pagtitripan na pamangkin!”
Samantala, tinanong din namin sa aming kausap kung magkakaroon pa ng church wedding ang dalawa, “Yes meron!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.