Obra ng Pinoy fashion designers irarampa sa ‘The Broken Marriage Vow’ nina Zanjoe at Jodi
BONGGA! Knows n’yo ba na bukod sa matitindi at pasabog na mga eksena sa upcoming Kapamilya teleseryeng “The Broken Marriage Vow,” irarampa rin sa programa ang mga bonggang creation ng mga Pinoy fashion designers.
Dapat abangan ng madlang pipol ang mga likhang Pinoy na susuutin ng mga bida ng serye at gawa ng iba’t ibang local fashion designers.
Ayon kay Connie Macatuno, ang direktor at costume design head ng serye, siniguro nilang puro local designs ang lahat ng isusuot nina Jodi Sta. Maria, Zanjoe Marudo, Sue Ramirez, Zaijian Jaranilla, at ng co-stars nila. Ito ang unang pagkakataong gagawin ito sa isang Pinoy teleserye.
“Matagal ko nang inisip na makagawa ng isang palabas kung saan gumagamit ng local designs from local designers. Una kong naisip agad, pagsama-samahin silang lahat.
“Most of the local designers will be there in showcasing their original work. It’s the thing that excited all of us,” sabi ni Direk Connie sa isang video na inilabas ng Dreamscape Entertainment.
Ipinakita rin sa video ang mga damit, sapatos, accessories, mga katutubong tela, at tradisyunal na Filipino clothes na ibibihis sa mga bida.
Dagdag ni Direk Connie, nag-enjoy siya sa pagbubuo ng look at style ni Dra. Jill Ilustre, ang karakter ni Jodi Sta. Maria, at na siya mismo ang pumipili ng susuutin ng cast members.
Sa pamamagitan ng pagsasama ng Pinoy at global brands sa serye, hangad ni Direk Connie na maitaguyod ang kultura at disenyong Pinoy sa buong mundo.
“We want to showcase our clothes, our roots, our culture in a different way. We get to wear the barong, the pinya on a daily basis. We get to wear the weaves of different places here in the Philippines, and showcase original works of different designers that have global appeal,” aniya.
Susundan ng “The Broken Marriage Vow” ang kwento ni Jill, isang babaeng biniyayaan ng isang masaya at kumpletong pamilya. Dahan-dahang itong mawawasak sa oras na makutuban niyang niloloko siya ng asawang si David (Zanjoe) kasama ang mas batang kabit nitong si Lexy (Sue).
Ang “The Broken Marriage Vow” ang Pinoy adaptation ng hit BBC series na “Doctor Foster.” Gagawin ito sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment at ipapalabas sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.