Alfred pinatay agad sa ‘Legal Wives, death scene iniyakan; viewers galit na galit kay Ashley Ortega
Ashley Ortega at Alfred Vargas
IN FAIRNESS, grabe rin ang natatanggap na papuri ngayon ng hit family drama series ng GMA 7 na “Legal Wives” mula sa televiewers at mga netizens.
Maliban sa natatanging kuwento ng serye na tumatalakay sa kultura at buhay ng mga Mranaw, maraming manonood din ang humanga sa nakakadala at mahusay na pagganap ng cast sa kani-kanilang mga karakter.
Isa na riyan ang Kapuso actress na si Ashley Ortega na gumaganap bilang si Marriam, ang anak ni Mayor Usman (Mon Confiado) na magiging dahilan ng rido o “clan war” sa pagitan ng kanilang pamilya at ng pamilya ni Ismael (Dennis Trillo).
Ngunit kahit na kinaiinisan ng viewers ang karakter, marami ang humanga kay Ashley sa kanyang epektibong pagganap bilang kontrabida, “Ang galing-galing ni Ashley Ortega. Kuhang kuha niya ang pagiging duplicitous at scheming ng character ni Marriam!”
Samantala, tuluyan na ring nagpaalam ang karakter ni Alfred Vargas sa serye na si Nasser, ang nakatatandang kapatid ni Ismael at asawa ni Amirah (Alice Dixson).
Maraming viewers ang naantig sa emosyunal na death scene ni Nasser na nabaril sa gitna ng rido, “Lakas ng ulan, sumabay sa pag-iyak ng kalangitan nang nawala si Nasser.”
Sa isang panayam, inamin ni Alfred na may iba pa siyang prayoridad kung kaya’t hindi siya pwede magtagal sa lock-in taping ng “Legal Wives.”
Sa kabila ng maiksi niyang partisipasyon sa serye, proud si Alfred na naging bahagi siya ng serye, “I’m happy naman kasi maganda yung Legal Wives. Nakita ko ‘yung video, cinematic talaga, parang epic nga. So, I’m really proud to be part of that project.”
Napapanood ang “Legal Wives” pagkatapos ng “The World Between Us” gabi-gabi sa GMA Telebabad.
* * *
Maaantig ang puso ng mga manonood sa nakaka-inspire na kuwento ng isang babaeng tinamaan ng cancer at ang kanyang misyon na maging biyaya sa ibang tao sa all-new episode ng award-winning drama anthology na “Magpakailanman” ngayong Sabado, August 7.
Bida sa episode na pinamagatang “I Will Survive: The Lynlin Enriquez Dumoran Story” ang real-life couple na sina Glydel Mercado at Tonton Gutierrez. Makakasama rin nila sina Kiel Rodriguez, Jeniffer Maravilla, at Jeremy Sabido.
Isang mapagmahal na asawa si Lynlin (Glydel) kay Waldo (Kiel). Labis niyang hinahangaan ang asawa sa kasipagan at kabutihan nito lalo na sa kapatid na si Eddie (Tonton) na nalulong sa bisyo matapos iwan ng asawa.
Nais ni Waldo na ayusin ang buhay ni Eddie subalit mamamatay siya at guguho ang mundo ni Lynlin. Maiiwan siya na mag-isang magtataguyod sa kanilang dalawang anak at negosyo.
Matapos ang pagpanaw ni Waldo ay mahuhulog ang loob sa isa’t isa nina Lynlin at Eddie at unti-unti na ring bumuti ang ugali ni Eddie. Kahit na marami ang tutol sa kanilang relasyon, alam ni Lynlin na wala silang ginagawang mali.
Subalit masusubok ang kanilang pananampalataya nang tamaan ng Stage 3 Breast Cancer si Lynlin. Paano nga ba nila malalagpasan ang pagsubok na ito?
Tunghayan ang natatanging pagganap nina Glydel at Tonton sa fresh episode ng “Magpakailanman” ngayong Sabado, 8 p.m., sa GMA 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.