Target ni Tulfo by Mon Tulfo
NAGPAPASALAMAT ang inyong lingkod sa Poong Maykapal na nakalabas na si First Gentleman Mike Arroyo sa St. Luke’s Hospital matapos siyang atakihin sa puso sa pangalawang pagkakataon.
May nagtanong na kaibigan sa akin kung bakit ko ipinagdasal ang paggaling ng First Gentleman samantalang hindi maganda ang ginawa niya sa akin.
Sinabi kong kinalimutan ko na ang aming hidwaan at napatawad ko na siya kung may pagkakamali man siya sa akin.
Sa kabilang banda, humingi din ako ng tawad sa Diyos kung may pagkakamali man akong nagawa sa First Gentleman.
Si FG at ang inyong lingkod ay dating matalik na magkaibigan pero may pangyayaring namagitan sa amin.
Ayaw ko nang banggitin kung ano man yun dahil sabi ko nga kinalimutan ko na yun.
Kung may nagkasala sa iyo, forgive and forget. And move on.
* * *
May isa akong natutunan sa spiritual search ko: Na kung ano ang gusto mong mangyari sa iyong kapwa ay mangyayari sa iyo.
Kung masama ang hinahangad mo sa iyong kaaway—gaya ng, “Sana’y magkasakit siya”—ganoon ang mangyayari sa iyo.
At kung maganda naman ang hinahangad mo sa iyong kapwa —gaya nang gumaling sa sakit— magiging mas malusog ang iyong katawan.
Ganyan ang Batas ng Karma o Law of Karma: Babalik sa iyo ang hinahangad mo sa iyong kapwa.
At dahil alam na ninyo how the Law of Karma works, bakit maghahangad pa kayo ng masama sa iyong kapwa?
Kung may nagawa mang masama ang iyong kapwa sa iyo, ipasa-Diyos mo na lang ang ginawa niya sa iyo.
Mabilis at madali ang pagdating ng suwerte sa iyong buhay kapag maganda ang hangarin mo sa iyong kapwa, kahit na sa iyong mga kaaway.
Oo, alam ko na ang nasa isip ninyo: “Ha, si Ramon Tulfo, ipinagdadasal ang kanyang kaaway? Mukhang hindi siya yan.”
Inaamin ko na madali lang magsalita pero mahirap gawin.
Pero dahil alam ko na ngayon na magaan ang buhay sa mga taong marunong magpatawad, I try my best to forgive people who have wronged me.
At kapag palagi mong iniisip ang pagdating ng suwerte sa iyo dahil ikaw ay mapagpatawad, wala nang puwang sa iyong puso ang paghihiganti.
* * *
Meron din akong isang natutunan kung bakit dapat kang magpatawad sa taong nagkasala sa iyo: Maiiwasan mo ang malubhang karamdaman.
Karamihan sa mga may sakit sa puso, cancer at ibang malubhang karamdaman ay dahil sa pagkimkim ng matinding galit sa kapwa.
At dahil di mo mailabas ang sama ng iyong kalooban, ito’y nagiging sakit.
* * *
May kaibigan ako na naghahari ang poot sa kanyang dibdib.
Tuwing nakakausap ko siya, palagi niyang sinasabi na kapag panahon na niya ang maghiganti sa mga taong nakagawa sa kanya ng masama, doon na siya magiging maligaya.
Hindi natupad ang pangarap niya na maging maligaya dahil maipaghiganti na niya ang masamang ginawa sa kanya.
Na-stroke ang kaibigan kong ito. Matindi ang stroke dahil di siya makabangon sa kama.
Di nagtagal ay namatay siya.
* * *
Sana’y mali ang sapantaha ko, pero sa aking palagay sama ng loob ang pagkakaroon ng cancer ni dating Pangulong Cory na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.
Sama ng loob sa mga taong pumatay sa kanyang mahal na kabiyak na si Sen. Ninoy Aquino.
Sama ng loob sa mga taong nag-alsa armas laban sa kanyang administrasyon, gaya ni Gringo Honasan.
Buhay pa si Honasan, na kanyang kinasusuklaman, samantalang siya’y patay na.
Kapag ikaw ay nagpatawad, hindi mo binibigyang pabor ang taong pinatawad mo kundi ang iyong sarili.
Bandera, 040810
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.