Willie sa kumokontra sa pagsabak niya sa politika: Wala pa ho akong desisyon, huwag n’yo muna akong tirahin!
HINDI pinalampas ng Kapuso TV host na si Willie Revillame ang pambabatikos ng ilang personalidad tungkol sa plano niyang pagtakbo sa 2022 national elections.
May mga nagpaparating kasi sa kanya na may isang partido raw ang nagsasabi na hindi raw nila kukunin sa kanilang grupo ang mga nagbabalak na tumakbo sa susunod na taon, lalo na raw yung mga nagpapatawa lang at nagbibigay ng jacket.
Obviously, si Willie ang pinariringgan ng nasabing partido kaya naman diretsahan niyang sinagot ang lahat ng mga nanglalait at kumukuwestiyon sa kakayahan niyang maglingkod sa bayan.
Sa nakaraang episode ng “Wowowin” nabanggit ng veteran TV host na may mga mamamahayag daw ang gustong mag-interview sa kanya tungkol sa posibleng pagtakbo niya bilang senador sa Eleksyon 2022.
Ayon kay Willie, “Wala pang mai-interview sa akin kasi wala pa naman akong desisyon. I hope maintindihan niyo. Once lumabas naman akong magdesisyon na, ayun open na ako sa lahat,” paliwanag niya.
“Pinag-iisipan at pinag-aaralan ko pa. Hindi ho ako nagpa-file, wala akong ano basta ‘yun ho, kung ano man ho ‘yun, hintayin ko lang ho ‘yung aming pag-uusap.
“Pagkatapos ng pag-uusap. Then I will decide. Then I will announce. So ngayon ho, wala naman akong i-announce dahil wala naman akong commitment.
“Oktubre pa yung filing (ng certificate of candidacy) matagal pa,” aniya pa at habang hindi pa siya nagdedesisyon ay patuloy lamang siya sa pagbibigay ng saya at ng ayuda sa nangangailangan nating mga kababayan.
Kung matatandaan, sinabi ng komedyante na sa unang linggo ng Agosto siya posibleng mag-announce kung ano ang magiging desisyon niya hinggil sa pagsabak niya sa politika.
Kasunod nito, nabanggit nga niya na ngayon pa lang ay may mga taong bumabanat sa kanya at kumukuwestiyon sa kanyang kakayahan bilang public servant.
Paliwanag ni Willie, “Hindi ka naman kailangang magaling na magaling at marunong na marunong, eh. Kumuha ka ng magagaling na abogado, para ikaw ay makagawa ng magandang batas. Ang importante ay matulungan mo ang mahihirap nating kababayan.
“This is not the right time para tayo magkumpara-kumpara. Saka wala pa ho akong desisyon, huwag niyo muna akong tirahin. Wala munang tirahan,” katwiran pa ng Kapuso TV host.
Sa bandang huli ng pahayag ni Willie, may binanggit nga siyang isang abogado na nagsasabing hindi raw nila kukunin sa partido nila bilang kandidato sa pagkasenador ang mga nagpapatawa at nagbibigay lang ng jacket.
“Well kung sino ka man attorney, tingnan mo yung mga nagawa namin sa mga kababayan nating naghihirap. Tapatan mo yun, kapag natapatan mo yun, bibilib ako sa yo,” ang hamon ni Willie sa nasabing abogado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.