Zaijian Jaranilla loyal sa Kapamilya network: Hindi po ako lilipat
ISA si Zaijian Jaranilla sa mananatiling Kapamilya dahil dito na raw siya nakilala at wala siyang planong lisanin ang network.
Base sa panayam sa aktor ng ABS-CBN, “Dito na ako nakilala, dito na ako nagsimula sa ABS-CBN. Utang na loob ko rin po ‘yon sa kanila na ang dami nilang naibigay sa akin. Katulad na lang na makatulong ako sa pamilya ko at makilala ako at makilala ako ng ibang tao.
“Hindi po desisyon ‘yon, willing po talaga ako rito na mag-stay at hindi ako lumipat sa kung saan man,” ani Zaijian.
Marami na rin kasing dating Kapamilya stars ang umalis nang hindi sila mabigyan ng proyekto sa dahilang walang prangkisa ang ABS-CBN.
Pero si Zaijian ay masaya sa network kung saan siya nagsimula at mananatili raw siyang loyal dito. Nakilala ang aktor sa seryeng “May Bukas Pa” bilang si Santino hanggang sa nagkasunud-sunod na ang kanyang proyekto.
“I am so happy sa ABS-CBN kasi kahit paano po, kahit walang franchise, tuloy-tuloy po ang project at masaya po ako,” sambit ni Zaijian.
Taong 2018 ng huli siyang mapanood sa epic seryeng “Bagani” kasama sina Liza Soberano at Enrique Gil. Anyway, magbibida ang aktor sa “Maalaala Mo Kaya” episode na “Living to Care” kasama si Nonie Buencamino sa direksiyon ni Jerry Lopez Sineneng.
Mapapanood ang ikalawang parte ng episode na ito ng “MMK” ngayong Hulyo 10, Sabado sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC at A2Z Channel 11.
* * *
Hanggang saan ang kayang lakbayin para sa pag-ibig, kung ilalagay nito ang buhay sa alanganin?
Buong tapang na haharapin ng award-winning actress na si Charlie Dizon ang lahat, maging ang kamatayan, para sa inaasam niyang pag-ibig sa iWantTFC original series na “My Sunset Girl,” na mapapanood sa buong mundo ngayong Hulyo 14.
Mapapanood sa serye si Charlie bilang si Ciara, isang masayahing dalagang gustong matupad ang mga pangarap niya sa buhay sa kabila ng kanyang malubhang sakit. Ipinanganak siyang may xeroderma pigmentosum, isang kondisyong maaaring pumatay sa kanya kapag naarawan siya nang matagal.
Dahil dito, pinagbabawalang lumabas ng bahay si Ciara at puro sa internet lamang siya nakakahanap ng mga kaibigan.
Dahil hindi pwedeng maglakwatsa, kuntento na si Ciara sa “paglalakbay” sa iba’t ibang lugar sa pamamagitan ng travel vlogs na pinapanood niya.
Pero sa kabila ng lahat ng ito, iisa lamang ang gustong maranasan ni Ciara – ang magmahal at ang mahalin.
Magbabago ang buhay ni Ciara sa pagdating ni Lucas (Jameson Blake), isang travel enthusiast na makakagaanan niya ng loob dahil sa dami ng pagkakatulad nila sa isa’t isa. Magkakamabutihan ang dalawa at mangangako si Lucas na tutuparin niya ang lahat ng pangarap ni Ciara sa bucket list nito.
Ngunit bukod sa sakit ni Ciara, magsisilbing hadlang sa pagkikita nilang dalawa ang istriktong ina ni Ciara na si Melissa (Mylene Dizon), na pagbabawalan siyang makipagkita kay Lucas. Aabot din sa puntong susugurin ni Melissa si Lucas at pagsasabihan itong layuan ang anak.
Ang hindi naman alam ni Ciara, planado ni Lucas at ng tatay nitong si Elias (Joem Bascon) ang pagpapaibig at panloloko sa dalaga – mula sa pagkakakilala nilang dalawa online hanggang sa una nilang pagkikita sa personal.
Ano ang totoong dahilan ng paghihiganti ng ama ni Lucas sa pamilya ni Ciara? Ano ang mangyayari kapag nagkatotoo ang pag-ibig nina Ciara at Lucas para sa isa’t isa?
Kabilang din sa cast ng “My Sunset Girl” sina Lance Reblando, Ana Abad Santos, Jun Jun Quintana, Frances Makil-Ignacio, at Jonathan Tadioan. Ito ay idinirek ni Andoy Ranay at sa ilalim naman ng produksyon ng Dreamscape Entertainment at All Blacks Media.
Ito ang unang lead role ni Charlie pagkatapos ng “Fan Girl,” na nagbigay sa kanya ng Best Actress award sa Metro Manila Film Festival at Entertainment Editors’ Choice (The EDDYS).
Mapapanood na ang “My Sunset Girl” sa Hulyo 14, 8 p.m. sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.