Tira lang nang tira habang kaya pa! - Gardo Versoza | Bandera

Tira lang nang tira habang kaya pa! – Gardo Versoza

Ervin Santiago |July 01,2021
facebook
share this

Tira lang nang tira habang kaya pa! – Gardo Versoza

Ervin Santiago - July 01, 2021 - 09:01 AM

HANGGAT kaya pa at walang problema sa kalusugan ay tuluy-tuloy lang sa pagtatrabaho si Gardo Versoza.

In fairness, isa si Gardo sa mga masusuwerteng artista ngayon na talagang hindi nawawalan ng acting projects kahit pa patuloy pa rin ang banta ng pandemya.

Siguradong after ng teleserye niya sa GMA na “First Yaya” na magtatapos na bukas ay mabibigyan uli siya ng bagong raket dahil nga sa pagiging versatile actor niya bukod pa sa kanyang professionalism.

Natanong nga si Gardo sa ginanap na finale digital presscon ng “First Yaya” kung balak muna niyang magpahinga sa work para makasama uli niya nang matagal-tagal ang kanyang pamilya.

“Yung chill-chill anytime naman iyan, e, kumbaga hindi naman umaalis iyan, e. Iyang mga bakasyon, pahinga, kahit ano’ng oras, nandiyan lang naman iyan,” tugon ng aktor.

Samantala, siniguro rin ni Gardo na patuloy pa rin siyang gagawa ng content para sa kanyang TikTok account dahil alam niyang marami siyang napapasaya rito.

“Tira lang nang tira habang kaya pa ng balakang,” chika pa ni Gardo na palaging nagba-viral ang mga ginagawang dance challenge sa TikTok.

Ngunit aminado naman ang dating sexy actor at tinaguriang Asia’s Sexiest Man noong kanyang henerasyon na nagkakaedad na rin siya at sumasakit-sakit na rin ang kanyang katawang-lupa.

“Naku, kumbaga sa kahoy, lawanit na, e, dati kamagong, lawanit na. Nararamdaman ko na sa beywang!” sabi ni Gardo sabay tawa.

May nagbiro tuloy sa kanya ng, “Si Machete pala ay lawanit na.” Na ang tinutukoy ay ang pinagbidahang pelikula ni Gardo noong 1994 na “Machete 2” na hango sa isang kuwento sa komiks at tungkol sa estatwang kahoy na nabubuhay at nagiging totoong tao pagsapit ng gabi.

Una itong pinagbidahan ni Cesar Montano (Machete: Istatwang Buhay) na ipinalabas noong 1990 at ginawan din ng TV version ng GMA 7 noong 2011 na ginampanan naman ni Aljur Abrenica.

Samantala, tutukan ang huling dalawang gabi ng “First Yaya” sa GMA Telebabad at alamin kung magkakaroon pa ba ng happy ending ang kuwento ni Yaya Melody at ni President na ginagampanan nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Bukod kay Gardo, kasama pa rin sa serye sina Maxine Medina, Kakai Bautista, Cai Cortez, Thou Reyes, Cassy Legaspi, JD Domagoso at marami pang iba.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending