Candy ‘Idol Mom’ ng mga nanay na may special child: Nakakabilib ang tapang niya
“IDOL MOM” ang tawag ng mga working nanay sa veteran comedienne na si Candy Pangilinan dahil hindi siya nagpatumba sa mga hamon ng buhay mula noon hanggang ngayon.
Napatunayan ni Candy na wala talagang hihigit sa pagmamahal ng isang ina na handang gawin ang lahat para sa kapakanan ng kanyang mga anak.
Mag-isang binuhay at pinalaki ni Candy ang anak na si Quentin Alvarado na isang neurodivergent child. May Autism Spectrum Disorder (ASD) at Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD) ang bata kaya triple ang effort ng aktres sa pag-aalaga sa anak.
Bilib na bilib sa komedyana ang kanyang mga kapwa mommy lalo na yung may mga anak na special child dahil hindi raw talaga madali ang sitwasyon niya bilang single at working mom. Napakatapang daw niya at punumpuno ng pagmamahal.
Ibinahagi ni Candy sa isang episode ng online show na “Share Ko lang” hosted by psychologist Dr. Anna Tuazon, ang mga challenges na naranasan niya bilang isang nanay na may anak with special needs.
Inamin ng komedyana na nine months old pa lang si Quentin ay pinatingin na niya ito sa mga eksperto dahil napansin na walang eye coordination ang sanggol.
“Hindi nag-sink sa akin na, ‘Ay, habambuhay ito. Akalo ko ‘yung parang one year lang. After one-year okay na.’ ‘Yung ganu’n or paracetamol, ‘pag ininom, magaling na, Ganu’n. Hindi nag-sink in sa akin ‘yun,” pahayag ni Candy.
Dugtong pa niya, “Parang tinanggap ko na siya pero siyempre mayroon kang pain, may hurt. Hindi na ako masyadong nag-denial. Ang pinaka-denial ko na lang yata is gusto ko lang makarinig nu’ng pinakamagandang diagnosis from every doctor kaya nag-doctor hoping ako.”
Ayon pa sa aktres, medyo naguluhan din siya sa naging diagnosis kay Quentin na meron daw ASD at ADHD.
“Hindi ko alam talaga, e. But he really has ADHD. Sabi ko nga, ‘Doc, ano ba talaga ang diagnose ni Quentin?’ Tinanong ko lang ‘yan, e. Kailan ba? Two years ago, before the pandemic nangyari.
“Sabi niya, ‘He still has ADHD. Autism is there pero hindi ganu’n kalakas pero mas malakas ‘yung ADHD niya. But the Autism is there,’” sabi pa ng celebrity mom.
Sa ngayon, 17 years old na si Quentin, at talagang nag-e-effort si Candy na turuan ang anak na kumilos ayon sa edad nito.
“Actually, hindi na siya baby. That’s what I’m trying to do right now, to teach him na, ‘You have to act mature kasi you are already 17 years old. You are not a baby anymore. Although your mental age is 8 or 9 years old, but then your physical, the way you look is not 8 and 9 years old,’” pahayag pa niya sa nasabing panayam.
Hindi lang basta nanay ang role jni Candy sa buhay ng anak, gumaganap din daw siyang kaibigan, kalaro at teacher nito, “So nagkaroon kami ng ganu’ng relationship ni Quentin na maliban sa mom niya ako, playmate niya ako, alam niya kung kailan niya ako teacher.
“May ganu’n kaming dalawa. Kasi ang feeling ko kulang ‘yung oras na three hours a week or four hours a week sa OT. Alam mo ‘yun, feeling ko kulang,” sey pa ng komedyana.
Sa huli, nagbigay naman ng mensahe si Dr. Anna Tuazon sa lahat ng magulang na tulad ni Candy. Aniya, talagang kailangang magmatigas at mag-ipon ng mas mahabang pasensya at lakas ang mga nanay na may special child para matuto ang mga anak.
“You just need to find your tribe. ‘Di ba? It is not that there’s anything wrong with you, right? And as you said, kasi they are all kids, it is not they’re evil, bad people… If it gives us a sense of…ito ang puwede nating gawin. Hindi lang siya matigas ang ulo. There’s really something there,” ani Dr. Tuazon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.