Mga Laro sa Sabado
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UP vs UST
4 p.m. FEU vs Adamson
Team Standings: NU (9-3); FEU (8-4); La Salle (8-4); Ateneo (6-5); UST (6-5); UE (5-6); Adamson (4-8); UP (0-11)
NAG-INIT ang De La Salle University sa overtime upang biguin ang University of the East, 75-65, sa 76th UAAP men’s basketball tournament Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Hindi sumablay ang Green Archers sa anim na buslo sa extension, kasama ang tig-isang tres nina Jason Perkins at Almond Vosotros, para madomina ng koponan ang yugto,19-9, at pantayan sa ikalawang puwesto ang Far Eastern University sa 8-4 baraha.
Si Perkins ay gumawa ng career high na 22 puntos sa 9-of-11 shooting, bukod sa siyam na rebounds at tig-2 blocks at assists habang si Vosotros ay may 16 puntos. Si Jeron Teng ay nag-ambag pa ng 17 puntos, pitong rebounds at apat na assists para sa La Salle.
Ikatlong sunod na pagkatalo ito ng UE para bumaba sa 5-6 baraha at natalo sila kahit nagbalik si Charles Mammie at tumapos bitbit ang 20 rebounds at 11 puntos.
Nagpulong ang UAAP board at napagdesisyunan nila na bawasan ng isa ang two-game suspension na naunang ipinataw kay Mammie dahil hindi itinawag sa laro ang kinukuwestiyong pag-iwan ng paa ng sentro sa bumuslong si Terrence Romeo ng FEU.
Napagdesisyunan din ng board na gawaran ng one-game suspension si Ateneo coach Bo Perasol at i-ban si JJ Atayde na panatiko ng La Salle matapos ang muntik na gulo sa dalawang ito matapos ang La Salle-Ateneo game noong Linggo.
Si Roi Sumang at JM Noble ay may tig-17 puntos para sa Red Warriors na hindi napangalagaan ang 49-43 kalamangan sa huling 6:20 ng labanan.
Samantala, kumapit pa ang National University sa unang puwesto nang sagpangin ang University of the Philippines, 79-62, sa unang laro.
Nanumbalik ang shooting touch ni Bobby Ray Parks Jr. matapos magpasabog ng kanyang season-high 30 puntos bukod pa sa 10 rebounds at ang Bulldogs ay nakatiyak na ng playoff para sa Final Four sa kinuhang pang-siyam na panalo sa 12 laban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.