Gang sa India pinaghahanap matapos nakawin ang may isang toneladang dyebs ng baka
NEW DELHI–Isang malawakang paghahanap ang isinasagawa sa central India matapos nakawin ng isang gang ang halos isang toneladang tae ng baka mula sa isang barangay, ayon sa pulisya.
Nagreklamo sa pulis ang mga taga-Dhurena sa distrito ng Korba, Chhattisgarh state matapos na mawala sa kanilang warehouse ang may 800 kilo ng dumi.
Gabi umatake ang gang, ayon sa imbistigasyon, at ipinuslit ang ninakaw na tae na nagkakahalaga ng 1,600 rupees (mahigit P1,000).
“Kinuwestiyon na namin ang ilang suspek pero wala pang pag-arestong isinagawa,” ayon sa local police officer na si Harish Tandekar.
Sinabi niya na hindi malinaw kung paano naipuslit ng mga magnanakaw ang napakaraming dumi ng baka, o kung bakit nga ba nila ito ninakaw.
“Nagpapatuloy pa ang imbistigasyon at ginagawa namin ang lahat para mahuli ang mga salarin,” wika ni Tandekar.
Binibili sa Chhattisgarh ang dumi ng baka mula sa mga magsasaka ng 200 rupees kada 100 kilo. Bahagi ito ng programa ng gubyerno sa paggagawa ng vermi-compost.
Nitong mga nakaraaang taon, hinihimok ng maraming states sa India ang mga magsasaka na ibenta ang mga tae ng baka para magamit sa organikong pagsasaka.
May mga Hindu rin na naniniwalang banal ang baka at ginagamit nila ang dumi at ihi nito para sa pagggamot at iba pang pangrelihiyong ritwal.
Mula sa ulat ng Agence France-Presse
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.