Mutya ng Pilipinas Shannon Robinson waging Miss Environment International sa India
DALAWANG magkasunod na korona na ang nasusungkit ng Mutya ng Pilipinas pageant mula sa dalawang reynang inilaban nito kasunod ng paghirang kay Shannon Robinson bilang Miss Environment International sa India noong Hunyo 15 (Hunyo 16 sa Maynila).
Isang buwan lang makaraang mahirang si Annie Uson bilang unang Miss Chinese World mula sa Pilipinas, itinala ni Robinson ang unang tagumpay ng bansa sa Miss Environment International pageant sa palatuntunang itinanghal sa Fern Residency Turbhe sa Mumbai.
Ngunit hindi pa muna nakatanggap ng international assignment ang dalawa nang sumabak sila sa pandaigdigang patimpalak.
Nagtapos si Uson sa semifinals ng 50th anniversary edition ng contest noong 2018, habang kinoronahan naman si Robinson bilang 2022 Mutya ng Pilipinas-Luzon, katumbas ng first runner-up.
Nang nakuha ng organisasyon ang mga lisensya para sa dalawang pandaigdigang patimpalak ngayong taon, itinalaga nito ang dalawang dilag upang ibandera ang bansa sa ibayong-dagat.
Baka Bet Mo: Mutya ng Pilipinas Shannon Robinson kalmadong sasabak sa Miss Environment International pageant
Isa pang prangkisang nakuha nito ngayong 2023 ang para sa Miss Intercontinental pageant, kung saan naman nakatakdang lumaban si 2022 Mutya ng Pilipinas Iona Gibbs.
Sa katatapos na Miss Environment International pageant, tinanggap din ni Robinson ang parangal bilang Miss Active, katumbas ng Miss Congeniality, at pumangalawa pa sa pilian para sa Miss High Fashion Model.
Hinirang bilang Miss Flora and Fauna si Flora Puira mula Cameroon, habang Miss Ecosystem naman ang kapwa niya taga-Africa na si Pauline Marare mula Zimbabwe. Kinoronahan naman bilang Miss Aqua si Romane Alvies mula Sri Lanka.
Tinanggap ni Savannah Robyn mula United Kingdom ang titulo bilang Miss Paradigm City, habang binuo naman ni Juliana Aristazabal mula Colombia ang hanay ng mga nagwagi bilang Ambassador of the Environment.
Sinabi ni Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino sa mga kawani ng midya sa sendoff party para kay Robinson na naghahanap pa rin ang organisasyon ng mga pandaigdigang patimpalak kung saan makakalaban ang mga runner-up, sina Mutya ng Pilipinas-Visayas Megan Campbell, at Mutya ng Pilipinas-Mindanao Marcelyn Bautista.
Related Chika:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.