Joel Cruz gumastos ng P52-M para sa 8 anak na nabuo sa pamamagitan ng surrogacy
AABOT sa P52 million ang nagastos ng tinaguriang Lord of Scents na si Joel Cruz sa walong anak niya na nabuo through surrogacy na isinagawa sa Russia kung saan legal ang ganitong paraan ng pagbubuntis.
Kamakailan lang ay nakatsikahan namin si Ogie Diaz na nagsabing pinayuhan niya si Vice Ganda na mag-anak din tulad ng ginawa ni Joel para hindi masayang ang mga naipundar niya.
Nitong Huwebes ng gabi ay in-upload ni Ogie sa kanyang YouTube channel ang panayam niya kay Joel na nagkuwento kung paano nabuo ang walong anak mula sa semilya niya at sa babaeng nagsilbing ina ng mga ito.
“Naisip ko talagang mag-anak pero hindi ko kayang may babae na sinasabi mo sa akin dati, di ba? Mga binubulong mo sa akin, natatandaan ko lahat ‘yun, bakla,” tumatawang bungad ni Joel.
At dahil hindi kayang sumiping sa babae ay bakit hindi na lang siya nag-ampon, “Alam mo, ayaw ko talaga ng adoption. Gusto ko sarili kong anak kaya pinilit ko. Na-inspire ako na marami kang anak, ang pagkakaiba lang natin, ikaw kaya mo (sumiping sa babae), ako hindi ko kaya, kaya naghanap ako ng surrogacy.”
Naunang sinubukan ni Joel ang surrogacy dito sa Pilipinas pero hindi naging successful at malaki na ang nagastos niya.
“Unfortunately for three trials with Filipina mothers, lahat ‘yun unsuccessful, hindi kumapit sa kanila for two weeks or 15 days.
“Kaya 10 years ago nag-decide na ako na huwag nang gawin sa Philippines kasi parang ayaw dito saka bawal dito. Ginawa ko na outside of the Philippines kung saan puwede ang single father which is legal sa Russia,” kuwento pa niya.
Bago ang lahat ay maraming interview sa pagitan nina Joel at agency na may kasamang abogado na inalam din kung may kakayahan siyang sustentuhan ang gastos.
“They have to check kasi kung ano ang gagawin mo sa bata, baka mamaya ibenta mo ‘yung bata kaya maraming pag-uusap. Kung alam nilang sincere ka at kaya mong bigyan ng magandang buhay ang bata, papayagan ka nila,” kuwento ni Joel kay Ogie.
Sa pamamagitan ng larawan napili ni Joel ang ina ng mga anak niya kung saan nandoon ang background ng egg donors, medical history, character, kung ilang taon, dapat nagkaanak na sila, normal delivery at ang edad ay 20-28 para maganda ang reproductive system.
“Sa pictures, napili ko siya (ina ng mga anak) kasi siya ‘yung pinakamatangkad, she’s 5’11 kasi maliit ako kaya gusto ko mataas para mahilang tumaas ang mga anak ko, maganda naman siya parang si Julia Roberts ang mukha niya and smart pero hindi ko siya nakausap hanggang picture lang. Ang request ko lang (bigyan siya ng update) pictures.
“Nag-request ako na pagkapanganak niya na siya muna ang mag-alaga for one and a half months bago ko iuwi kasi ang dami pang papers na inayos.”
Nabanggit na ang ikalawang pares ng kambal ay egg cells din nu’ng una pero iba na ang nagbuntis dahil hindi na raw kumapit ang mga sumunod.
Ikinuwento rin ni Joel na naluluha at nalulungkot ang ina ng mga anak niya kapag kukunin na niya, “Maganda ang relationship namin ni Lilia (pangalan ng ina ng mga anak niya), I’m very thankful kasi sa kanya lahat ang egg cells tapos siya rin ang nag-alaga so nakita ko kung paano mag-alaga.
“So everytime na manganganak (ang ibang babae para sa ibang anak niya) siya ang nire-request kong mag-alaga pinapasundo ko talaga at iiwan niya ‘yung asawa niya at husband niya,” kuwento ni Joel.
Maraming may gustong gayahin ang ginawa ni Joel kaso hindi kaya ang gastos, “Mahal ba ‘yun?” tanong ni Ogie.
“Well sa first set ko (babae at lalaki) lahat ng gastos ko, hotel accommodation ko, fare ko, tests ko umabot ako ng 12 million pesos, pati ‘yung (bayad) kay Lilia. Saka inaabutan ko rin si Lilia ng personal money niya bukod do’n sa bayad sa kanya ng firm.
“Sa second set ko alam ko (parehong lalaki), 11 million. Mas bumaba kasi mas marami akong biyahe sa first kasi maraming problema (inayos) like mag-e-expire na ang visa namin. Yung third set (babae at lalaki) 11 million ulit.
“’Yung pang seventh at eight (anak), solo sila pero five months lang ang pagitan kaya dalawang surrogate mother ang nagbuntis. At tig-nine million each ang gastos ko sa kanila,” pagtatapat ni Joel.
Ang panganay daw niya ang medyo alam kung paano sila nabuo bilang mga anak ng daddy nila.
“They know somehow kasi eight years old na rin pero hindi pa ganu’n kadetalyado nila nalalaman. They just know na married ang mommy nila na may asawa na parang kinausap ko ‘yung mommy nila na tulungan akong magkaroon ng baby at pumayag naman ‘yung mommy niya kasi nga wala akong (asawa),” say pa ni Joel.
Kung hindi nagkaroon ng pandemya noong 2020 ay nakarating na sa bahay niya ang ina ng mga anak kasama ang asawa’t anak nito.
“Inimbita ko sila ng 2019 tapos inabutan na ng pandemic kaya hindi natuloy, excited nga sila nakaplano nga na dadalhin ko sila sa magagandang beaches, kaso nagka-pandemic,” pahayag ni Joel.
At bilang ama sa walong anak, “Masayang-masaya ako. Grupo kaming pamilya na para akong Buddha na mayroong walong anak na nakasampay diyan (muwestra). Alam naman nila ‘yung give and take na dalawa muna ganu’n.
“Alam din nila ‘yung pakiramdam ko na ‘daddy is so tired already’ sila nagsasabi kaya naggi-give way sila. In fairness naman lahat nae-embrace ko, lahat nabibigyan ko ng pagmamahal at ramdam nila ‘yun na mahal na mahal ko sila,” kuwento ng proud daddy sa walong naggagandahang mga supling na may tig-iisang yaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.