Pakiusap ni Vico para sa kanyang 32nd birthday: Wag na po kayong magpadala ng regalo
MAY panawagan si Pasig City Mayor Vico Sotto sa kanyang mga tagasuporta at constituents na may konek sa selebrasyon ng birthday niya bukas, June 17.
Nakiusap ang batang alkalde na kung maaari ay huwag na siyang bigyan o padalhan ng kahit anong regalo sa pagdiriwang ng kanyang 32nd birthday.
Aniya, hindi naman daw kailangan na regaluhan siya ng mga materyal na bagay ngayong kaarawan niya, okay na raw kay Mayor Vico ang mga simpleng pagbati.
Sa isinagawa niyang live update sa Facebook kamakalawa para sa mga kaganapan sa Pasig at sa kanyang mga nasasakupan, bumuhos agad ang birthday greetings mula sa kanyang fans at followers.
Sa bandang huli ng kanyang live video, pinasalamatan naman ng binatang anak nina Vic Sotto at Coney Reyes ang lahat ng mga nakaalala at bumati para sa birthday niya.
“Maraming salamat sa mga bumabati sa atin. ‘Wag na po kayo magpadala ng regalo, ha?” paalala ni Mayor Vico.
Diin ng alkalde, mas maiging gamitin na lang daw ang perang gagastusin sa pagbili ng birthday gift sa mga kababayan nating nangangailangan lalo pa’t marami pa rin ang walang trabaho dahil sa patuloy pa ring banta ng pandemya.
“Kung gusto ninyo, bumili na lang po kayo ng food pack, bigay n’yo po sa nangangailangan.
“Huwag na po kayo magpadala sa akin. Okay na po ako.
“Huwag na po masyadong ano… Hindi naman talaga ako nagse-celebrate ng birthday, trabaho lang nang trabaho.
“Salamat pa rin kung sakaling meron man. Ang bati ninyo sapat na, hindi na kailangan ng regalo.
“Baka may nagbabalak pa magpadala, huwag na po. Gamitin n’yo na lang po yung pera sa mas nangangailangan. Okay lang po ako,” dire-diretsong pahayah ni Vico.
Kung matatandaan, ganito rin ang paalala ng alkalde ng Pasig nang nag-celebrate siya ng kanyang kaarawan noong nakaraang taon.
Aniya sa kanyang staff at ilang mga kaibigan, huwag na raw siyang bigyan ng surprise party.
Request pa niya sa kanyang supporters mag-donate na lang ang mga ito ng food packs sa mga mahihirap na pamilya sa halip na regaluhan siya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.