Gobyerno, dapat ‘ayudahan’ ang mga bata at bagets
Wag Kang Pikon - May 26, 2021 - 02:12 PM
Dalawamput anim na milyong estudyante ang naka-enrol ngayong 2021 at 1.1M naman ang hindi nagpalista, sabi ng DepEd. Ganito karami ang mga kabataang edad 10 hanggang 17 na ngayo’y nakakulong sa halos 15 buwang naka-lockdown o quarantine sa kanilang mga bahay. Totoo na may mga ayuda sa mga pamilya mula sa national government at maging sa mga LGU’s. At ang responsibilidad ay talagang nasa magulang Pero, meron bang derektang tulong ang gobyerno sa mga bata at bagets? Sa tingin ko, kulang na kulang.
Hindi lang mga magulang ang dumaranas ng hirap ngayon. Marami sa mga bata ay dumaranas ng kalungkutan, dahil sa pagkawala ng kanilang mga kaklase, kaibigan at mga kaedad. Marami sa kanila ang nagkakaroon ng “mental health problems” tulad ng “depression”, “distress” at “anxiety”.
Dito sa Metro Manila ang mga edad 18 pataas lamang ang pinapayagan lumabas ng bahay sa umiiral na “GCQ with heightened restrictions”. Dahil dito ang mga edad 17 pababa ay nakakulong pa rin sa kanilang mga tahanan. Meron ngang report na nag-triple ang mga natanggap na “tips” ng mga social groups dahil sa nangyayaring “sexual abuse” sa mga tahanan sa simula pa lamang ng mga lockdowns. Ayon dito, umabot ang mga natanggap na tawag sa 280,000 mula noong Marso hanggang Mayo 2020.
Ayon naman sa UNICEF, ang mga lockdowns ay matuturing na paglabag sa karapatan ng mga bata. Sinabi rin ng World Health Organization (WHO), na 93 percent ng mga bansa sa buong mundo ay nagsasabing dapat na mas lalong palakasin ang “mental health support services” sa mga bata ngayong pandemya. Sila ang sinasapul ng problema kaya naman bago sumapit ng edad 15 , kalahati sa kanila o 50 percent ay may diperensya na sa isip. At pag sila’y nagkaedad lalo , umaabot ito ng 75 percent. Ayon sa “global data”, karamihan ng mga 800,000 na nagpapakamatay sa buong mundo ay mga kabataang edad ay 15 hanggang 19 years old at mas marami ay mga babaeng teenager.
Kaya naman, napapanahon ang aksyon ng ating goyerno at lipunan. Dapat lang na maging “creative” ang gobyerno upang bigyang ayuda naman ang mga bata para hindi sila maburyong sa kanilang kalungkutan at maging normal ang kanilang paglaki.
Sa ngayon, wala akong nalalamang “programa” ang Malakanyang o mga Metro Manila mayors para sa mga teenagers at bata. Tutal namigay ng mga libreng “tablets” ang mga mayayamang lungsod, bakit hindi sila mag-organize at magpa-premyo sa mga online activities, halimbawa “quiz contests”, may mga premyong “video chats” o kaya’y zoom o tiktok dance contests o parties?. Maglabanan din ang mga matatalinong mga estudyante sa online.
Pwede ring bigyan ng libreng T-shirts o uniform ang mga kabataan para ipagmalki ang kanilang baranggay o komunidad sa mga city o kaya’y town contests. Pwede ring mag-organize si Mayor ng mga “field trips” ng mga kabataan sa baranggay kung saan matindi ang mga health protocols.
Sinasabi ko ito, dahil mukhang natutulog na talaga sa pansitan ang gobyerno lalong lalo na ang mga mayors ng LGUs na derekta dapat tutulong sa mga kabataang ito. Napakahalaga ng panahong ito para sa mga batang estudyante o out of school ng ating bansa. Huwag nating basta isalpak sila sa responsibilidad ng magulang. Bigyan sila ng natatanging atensyon dahil sila naman ang mga tunay na binibiktima ng trahedya ng COVID-19.
At sana magising sa mahimbing na pagtulog sina Mayor, Governor, Congressmen, Senators lalong lalo na si President Duterte na sa nakaraang 15 buwan ng ibat ibang quarantine controls.
Wala pa kayong derektang ayuda sa mga batang edad 10 hanggang 19 anyos . Hoy gising!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.