Luis posibleng tumakbo sa Eleksyon 2022: Ang tanong, iboboto n’yo ba ‘ko?
“WALA pa, pero malay natin,” ang sagot ng TV host-comedian na si Luis Manzano sa tanong kung tatakbo ba siya sa darating na Eleksyon 2022.
Hindi isinasara ng asawa ni Jessy Mendiola ang kanyang isip at puso sa pagpasok sa mundo ng politika ngunit mukhang talagang seryoso niya itong pinag-iisipan.
Maraming nagsasabi na pwedeng-pwedeng maglingkod sa bayan si Luis bilang public servant dahil sa pagmamahal at walang sawa niyang pagtulong sa masang Filipino.
Idagdag pa na nasa dugo talaga niya ang pagiging politiko dahil ang ina niyang si Star For All Seasons na si Vilma Santos ay representative ngayon ng Lipa, Batangas habang ang ama niyang si Edu Manzano ay naging vice mayor ng Makati.
Sa isang live Facebook stream kahapon, nagkaroon ng Q&A session si Luis at isa nga sa natanong sa kanya ng mga fans ay kung tuloy na ang pagtakbo niya sa isang government position sa 2022 elections.
Sagot ng TV host, “Wala pa, pero malay natin. Nakikita ko…baka naman na sa horizon ‘yan, ang pagiging isang politiko.”
“Naniniwala ako na lahat tayo meron tayong obligation o responsibility to serve. We have different capacities. Puwedeng from a simple act of service, or through public service talaga. Para sa akin, hindi ko sinasara ang pinto ko sa politika,” paliwanag pa ng anak ni Ate Vi.
Kasunod nito, si Luis naman ang nagtanong sa kanyang mga social media followers, “Ito ang pinakamagandang tanong, kung sakali ba na tumakbo ako, iboboto niyo ba ako?
“May tiwala ba kayo sa akin pag dating sa boto ninyo? Iyon ang pinaka magandang katanungan,” aniya pa.
In fairness, maraming sumang-ayon na dapat siyang tumakbo sa susunod na halalan dahil sigurado raw na mas marami siyang matutulungan at kailangan daw ng bayan ang isang katulad niya na totoong may malasakit sa mahihirap at nangangailangan.
“Maraming, maraming salamat sa kumpiyansa na ‘yun. Thank you so much na so far, maraming may tiwala naman sa akin pagdating sa public service,” pagpapasalamat naman ni Luis sa lahat ng nagbigay ng positibong comments.
Aniya pa, “Tingnan natin kung tatakbo ako, tingnan natin kung ano’ng posisyon.”
“Ang filing ng candidacy ay October, kung hindi ako nagkakamali. Puwedeng-puwede pang humabol, kung sakali man,” pahabol pang mensahe ni Luis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.