Sobrang taga ng mga private hospitals sa COVID patients, buking
Wag Kang Pikon - April 27, 2021 - 03:21 PM
Mahirap talagang magkasakit ng COVID-19 lalo na kung “severe o critical” na kailangan mong maospital. Gumaling ka man at lumabas ng pribadong ospital, higit milyong piso ang gagastusin mo. Hindi ka naman makakapagreklamo dahil ang gamutan ay sa panahong nasa “bingit” ka ng kamatayan.
Kahit sa social media, puno ng mga pakiusap na tulungan silang makabayad sa napakamahal na “hospitalization costs” ng mga pribadong ospital. Totoong malaking tulong ang PhilHealth na may pondong P786,384 sa bawat “critical pneumonia”, P333,519 sa “severe” ,P143,267 sa moderate, at P43,997 sa “mild”. Pero dahil sa tindi ng presyo ng mga gamot at “procedures”, ubos kaagad ang benepisyo mo galing gobyerno. Kaya naman, maraming pasyente ay pumipila at sumisiksik sa mga libreng public hospitals kahit pa sila’y madisgrasya. Sabi nga, makaligtas ka nga sa pribadong ospital, baon ka at pamilya mo sa utang.
Kaya naman, tumaas ang presyon ko sa napanood kong imbestigasyon ng House committee on Health sa mga presyo ng mga anti-COVID-19 drugs na ginagamit sa mga pasyente. Halimbawa, itong experimental “remdesivir” na dating gamot sa Ebola at hepatitis na ngayo’y ginagamit sa mga “critical” at “severe” na pasyente sa ilalim ng WHO Solidarity trials . Isang taga-Maynila ang tatlong beses tinurukan nito at pinagbayad ng P32,227.17 na ang bawat dose ay pumapatak na P10,852.39. Pero ang presyo ng original brand nito ay nasa P3,055 lamang bawat dose.
Dalawang pasyente naman sa Laguna ang nagbayad ng tig-P12,090 bawat dose ng remdisivir gayong ang orihinal na presyo ng brand nito ay P2,268 lamang. Eto pa, isang brand ng remdisivir na ang presyo ay P1,950 lamang ay itinurok sa isang taga-Pagadian city, Zamboanga sa presyong P9,500 bawat dose samantalang dito sa Quezon city , umabot ng P14,625 hanggang higit P15,000 bawat isang dose.
Meron ding nabuking na mas mahal na brand na P6,200 pero siningil ng P48,241 o higit 770 porsyento ang tongpats. Talagang masakit ito sa bulsa at sa dibdib. At ang nakakagalit pa ay ang katotohanang hindi sakop ng benepisyo ng PhilHealth ang “remdesivir” dahil wala pa itong “ emergency use authorization” o EUA ng Food and Drug administration. Ito’y meron lamang “compassionate special permit” na ang ibig sabihin, derektang babayaran ito ng mga gumamit na pasyente kasama ng mga kaanak nito.
Meron ding procedure sa mga kritikal na COVID -19 patients na kung tawagin ay “hypoperfusion”, o gamutan sa dugo at baga na ang bawat session ay umaabot ng P70,000. Ito’y inuulit ng ilang beses kaya naman talagang mahuhubuan ng husto ang pamilya ng mga pasyente. Nag-Google ako sa presyo nito sa India at lumitaw na ito’y 10,380 rupees lamang bawat araw o kung iko-convert sa atin ay P6,830 pesos lamang..
Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni Dra. Melissa Guerrero ng DOH- pharmaceutical division na meron silang inisyu na “revised” suggested retail prices (SRP) ng mga anti-Covid drugs na ito. Ayon daw sa mga ospital, ang “wholesale price” nito ay nasa pagitan ng P2,000 hanggang P5,000 lamang bawat dose.
Kayat lalo akong nawindang. Ganito lang pala ang presyo , bakit sobra sobra kung patungan o pagtubuan ng mga pribadong ospital? Hindi lamang triple kundi hanggang higit pitong beses na tongpats. Talagang nakakangilo at parang gusto kong murahin ang DOH dahil inutil talaga sila sa ganitong abuso. Alam pala nila, bakit hindi sila kumikilos? Hindi bat dapat lang i-refund ng mga pribadong ospital ang ganitong walang kaluluwang “overpricing”?
Pero, may aasahan ba tayo sa DOH o sa IATF?
Wala tayong pag-asa. Nganga na lang at sana magkaloob ang langit ng katarungan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.